SI CARLOS Yulo ay walang dudang pinakamatagumpay na atletang Pinoy sa katatapos na taon.
Ang human dynamo gymnast ay gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pinoy athlete na nagwagi ng dalawang gold medals sa Olympics kasabay ng pagdiriwang ng ika-100 taong paglahok ng bansa sa Summer Games.
Nakopo ni Yulo, 24, ang pambihirang double gold nang pagharian ang men’s floor exercise at vault, upang ibigay sa Pilipinas ang tagumpay na hindi pa nito nakakamit sa kasaysayan ng quadrennial meet..
Dahil sa breakthrough accomplishment na ito, si Yulo ang overwhelming choice bilang 2024 Athlete of the Year ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa darating na Awards Night nito sa Jan. 27 sa grand ballroom ng Manila Hotel.
Si Yulo ang unang gymnast matapos ni Pia Adelle Reyes noong 1997 na kikilalanin bilang Athlete of the Year ng pinakamatagal na media organization ng bansa sa traditional gala night nito na suportado ng San Miguel Corporation at co-presented ng ArenaPlus, Cignal, at MediaQuest.
Bukod sa Athlete of the Year, may iba pang awards na igagawad sa formal presentation na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart, Senator Bong Go, at Januarius Holdings bilang major sponsors at suportado ng PBA, PVL, 1-Pacman Party List, AcroCity, Rain or Shine, at Akari.
Igagawad din ang NSA of the Year, Major Awardees sa ibang sports, President’s Award, Executive of the Year, Citations, Tony Siddayao Awards, gayundin ang Hall of Fame at Special Recognition sa Filipino Olympians – kasama ang Paris Olympics at Paralympics – sa event na magbibigay-pugay sa pinakamahuhusay sa Philippines sports para sa taong 2024.
“From a great Olympic performance to an even greater Olympic show, and from one big breakthrough to an even bigger breakthrough – thanks to Carlos Yulo whose giant feat we will celebrate in handling him our highest accolades,” pahayag ni PSA President Nelson Beltran, sports editor ng The Philippine Star, hinggil sa pagkakaloob sa Filipino gymnast ng pinakamataas na individual honor ng sportswriting community ng bansa.
Ang tagumpay ni Yulo ay kasunod ng golden feat ni weightlifter Hidilyn Diaz na tumapos sa paghahanap ng bansa sa kauna-unahang Olympic gold nito sa 2020 Tokyo Olympics nang magwagi siya sa women’s 55kg class final sa dramatic fashion.
Sa hindi inaasahang pangyayari, sa kaparehong Japanese capital unang natikman ng gymnast mula sa Leveriza, Manila ang Olympic competitions, sa huli ay nag-qualify lamang sa men’s vault final at kinapos sa podium finish.
Pagkalipas ng apat na taon, nagbalik si Yulo, determinadong bumawi mula sa kabiguan sa Tokyo.
Matapos ang nakadidismayang pagtatapos sa floor exercise sa Tokyo Games, si Yulo ay nangibabaw sa kanyang pet event nang makalikom ng kabuuang iskor na 15.000 points, tinalo si reigning champion Artem Dolgopyat ng Israel (14.966) para sa unang gold ng Pilipinas sa Paris.
Ang sobrang tuwa ng pagiging unang Filipino gymnast na nagwagi ng Olympic gold ay hindi pa humuhupa nang kunin ni Yulo ang ikalawang gold sa men’s vault final na may 15.116 total kontra Arthur Davtyan of Armenia (14.966).