KUMAMBYO si Philippine National Police (PNP) chief Camilo Cascolan tungkol sa planong promotion kay PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Debold Sinas.
Nauna nang inihayag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na hindi na puwedeng tumaas ang ranggo ni Sinas.
Umani ng batikos ang pahayag ni Cascolan sa media sa balak nitong i-promote si Sinas na nag-viral sa kasagsagan ng lockdown dahil nag-party o mañanita at sa tingin ng iba ay lumabag sa health protocols.
Kaya’t binawi ni Cascolan ang kanyang pahayag at sinabi na hindi na maaring tumaas ang ranggo ni Sinas dahil sa kakulangan ng panahon para makuha ang third star nito na nakatakdang magretiro sa darating na Mayo, 2021.
“Dalawa po kasi ang klase ng promotion, promotion sa position at promotion sa rank. Hindi na nga po talaga puwede mag-promote sa 3 star,” anang opisyal .
Sinasabing puno na ang lahat ng three-star positions ng PNP at pawang kaklase ni Sinas ang nakaupo rito.
Kaugnay pa rin sa isyu ng promotion, napag-alaman na may lima pang heneral ang binigyan ng bagong posisyon ni Cascolan matapos ang malawakang pagbalasa sa liderato ng PNP noong nakaraang linggo.
Itinalaga ni Cascolan bilang bagong direktor ng Civil Security Group si P/Maj.Gen. Israel Ephraim Dickson kapalit ni P/Maj.Gen. Roberto Fajardo na nagretiro na sa serbisyo.
Nilipat naman sa posisyong binakante ni Dickson na Director for Integrated Police Operations-Visayas si P/Brig.Gen. Manuel Abu mula sa kanyang dating puwesto bilang Regional Director of Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR)
Si P/Brig.Gen. Samuel Rodriguez ang itinalagang bagong Regional Director ng PRO-BAR.
Ang ipinalit naman sa dating pwesto ni Rodriguez na Director ng Information Technology Management Service ay si P/Brig. Gen. Daniel Mayoni mula sa Directorate for Police Community Relations.
Si P/Brig.Gen. Julius Lagiwid ay itinalaga naman bilang Deputy Director for Police Community Relations habang si P/Col. Eric Noble ang ginawang DPCR Executive Officer.
Nilinaw ni Cascolan na ang kanyang pagtatalaga ng mga opisyal ay base sa prinsipyo na “placing the right person in the right job.” VERLIN RUIZ
Comments are closed.