CASH AID NI PBBM MALAKING TULONG PARA MAKABAWI ANG SARI-SARI STORE OWNERS MULA SA RICE PRICE CAP — SOLON

ANG P15,000 cash assistance ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga sari-sari store owner na naapektuhan ng price cap sa bigas ay isang ‘compassionate act’ at pamamaraan para makabawi ang maliliit na negosyo mula sa posibleng pagkalugi, ayon kay Zamboanga del Sur Rep. Divina Grace Yu.

Itinuturing din ni Rep. Yu ang direktiba ni Marcos bilang “gantimpala” sa mga sari-sari store sa pagsunod sa price ceiling sa bigas na ipinatupad ng pamahalaan.

“What the President ordered is not only an act of compassion, but appropriate,” pahayag ng mambabatas sa isang statement nitong Lunes, September 25.

“It is refund mechanism so that sari-sari store owners can recover their temporary losses for complying with the rice price cap order. The assistance from DSWD rewards that compliance,” dagdag pa niya.

Inihayag ng Malacañang noong Linggo, September 24, na inatasan ni Presidente Marcos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magkaloob ng cash assistance sa mga sari-sari store owner sa gitna ng pagpapatupad ng rice price ceiling.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang pamamahagi ng cash assistance sa sari-sari store owners ay isasagawa mula September 25 hanggang 29.

Sinabi ni DSWD spokesman, Assistant Secretary Romel Lopez na mahigit sa 6,000 sari-sari store owners ang nakatanggap na ng ayuda.

Pinuri ni Rep. Yu ang Pangulo sa pagkilala na ang “isang sari-sari store ay maaaring isang micro enterprise sa laki subalit malaki ang nagagawa nito sa komunidad.”

“Marami sa kanila ay kasing hirap ng kanilang mga mamimili. Pero tumupad pa rin sa programang makakatulong sa pamahalaan. Siguro ang iniisip ng Presidente, ‘kung ang malalaking negosyante nga may tax refunds, loss write-offs, pass-on costs, bakit ang maliliit wala?’,” sabi ng mambabatas.

“The President saw how this policy would impact a certain group of people, so he wasted no time in ordering DSWD to help those affected,” dagdag pa niya.