CASH AID SA 3,400 COLLEGE SCHOLARS

SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Pa­ranaque kahapon (Nobyembre 16) ang distribus­yon ng financial assistance para sa nasa 3,400 college scholars na makatatanggap ng P7,000 hanggang P10,000 ang bawat isa.

Ito ay napag-alaman kay City Public Information Office (PIO) chief Mar Jimenez na nagsabing ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng cash na ayuda sa 3,400 college scholars ay upang makatulong sa panggastos ng kanilang pag-aaral.

Sinabi ni Jimenez na ang mga college scholars na may gradong umaabot sa 82 hanggang 84 ay makatatanggap ng P7,000 habang ang mga nasa 85 pataas naman ang mga grado ay makatatanggap ng P10,000.

Maaaring mag-apply ng financial assistance kahit pa sa labas ng lungsod ang eskwelahan ng isang estudyante basta ang mga ito ay nananatiling residente ng lungsod.

Dagdag pa ni Jimenez na ang mga iskolar ay kailangang mapanatili ang kanilang matataas na grado para mapasali sa college financial assistance program ng lokal na pamahalaan.

Sinaksihan ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod ang distribusyon ng financial assistance kung saan, hinimok ang mga estudyante na mag-aral ng mabuti upang mapanatili ang kanilang pagiging benepisyaryo sa naturang programa.

Gayundin, tutulungan ng lokal na pamahalaan ang mga magsisipagtapos na iskolar na makahanap ng kanilang mga trabaho.

Inihayag din na ang dalawang kolehiyo sa lungsod, ang Paranaque City College of Science and Technology (PCCST) at ang Polytechnic University of the Philippines Paranaque (PUPP) ay magbubukas ng mga karagdagang kurso upang hindi na pumunta pa sa ibang lungsod ang mga estudyante para lamang makapag-aral. MARIVIC FERNANDEZ