NAKATAKDA nang ipalabas ang emergency cash subsidy para sa mga driver ng Public Utility Vehicles (PUV) kasunod ng paglagda ng mga kinauukulang ahensiya sa isang joint agreement para sa pagpapatupad nito, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
“Kasado na ang pagbibigay-ayuda sa mga Public Utility Vehicles (PUVs) drivers matapos pirmahan ang Joint Memorandum of Agreement para dito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Landbank of the Philippines (LBP) kahapon, 3 Abril 2020,” pahayag ng DOTr sa isang statement.
Sakop ng nasabing kasunduan ang mga drayber ng Public Utility Jeepney (PUJ), UV Express (UVE), Public Utility Bus (PUB), Point-to-Point Bus (P2P), Taxi, Transport Network Vehicle Service (TNVS), School Transport, at Motorcycle (MC) Taxi na maaaring makatanggap ng cash assistance sa ilalim ng Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon sa DOTr, maglalabas ang LTFRB ng listahan ng PUV drivers na ikukumpara sa talaan ng DSWD ng low-income household beneficiaries.
“Sa oras na maaprubahan ng DSWD ang listahan ng mga benepisyaryo, magsisimula na ang paglipat ng pondo mula DSWD papunta sa LBP,” ayon pa sa ahensiya.
Maaari umanong kunin ang cash aid sa pinakamalapit na LBP branch ng mga kuwalipikadong drayber.
Hinihintay na lamang ng DOTr ang guidelines mula sa DSWD sa kung paano ipatutupad ang cash subsidy.
Comments are closed.