NILAGDAAN na ni Manila Mayor Honey Lacuna ang payroll para sa city government monthly cash assistance ng mga mag-aaral sa dalawang city-run universities at senior high school (SHS).
Ayon kay Lacuna, ang ayuda na na inilabas ng lungsod ay para sa buwanang allowance ng mga SHS mula sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod at gayundin sa mga mag-aaral sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UdM).
“Ang bawat estudyante ng PLM at UdM ay makatatangap ng P1,000 at ang bawat SHS student naman ay makatatanggap ng P500 kada buwan para sa buwan ng Mayo at Hunyo,” ayon sa alkalde.
Ang pagbibigay ng financial aid ay bahagi ng city government social amelioration program kung saan ang budget na inilaan ay P117 milyon.
“Makakaasa po kayo na ang inyong Pamahalaang Lungsod ay patuloy na gumagawa ng paraan para paginhawain ang pamumuhay ng bawat Pamilyang Manilenyo. Ang atin po lamang pakiusap sa lahat ng mga benepisyaryo ay lalong magpunyagi, magpursigeng makatapos ng pag-aaral. Ugaliin ring makinig sa turo ng inyong mga guro at sumunod sa payo ng inyong mga magulang,” ani Lacuna.
Layunin ng pagbibigay ng financial assistance, hindi lamang upang tulungan ang kondisyong pinansyal ng mahihirap na mag-aaral at ng kanilang pamilya kundi upang himukin din ang mga ito na magsikap sa kanilang pag-aaral at makatapos at maiahon ang kanilang pamilya sa kahirapan. VERLIN RUIZ