CASH, BIGAS SA MGA BATANGUEÑO

Umabot sa 9,000 residente ng Batangas ang nakatanggap ng bigas at cash aid mula sa tatlong programa ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mga nangangaila­ngang Pilipino na hindi kasali sa mga naunang social amelioration program ng pamahalaan.

Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang distribution ceremony para sa Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program, Integrated Scholarships and Incentives for the Youth (ISIP) Program, at Start-Up, Investments, Business Opportunities and Livelihood (SIBOL) Program sa Batangas.

“Sabi nga po ni Pa­ngulong Marcos, no one should be left behind. Kaya itong mga programang ito ay ipinapatupad natin para maabot ang lahat ng kababayan na­ting nangangailangan ng tulong. Hindi lang ‘yung mga mahihirap, pati ‘yung ating mga near-poor na nahihirapan sa araw-araw na gastos,” sabi ni Romualdez.

Para sa CARD program, kabuuang 3,000 benepisyaryo mula sa Batangas ang nakatanggap ng tig-P5,000 cash aid sa pamamagitan ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at 20 kilong bigas sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Lipa City Youth and Cultural Center ngayong Agosto 24.

Kabuuang 3,000 estudyante ang binigyan ng tig-P5,000 tulong mula sa AKAP at dagdag na tig-limang kilong bigas. Ginawa ang pamimigay ng ayuda sa Lipa Academy of Sports, Culture and Arts (LASCA).

Ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng tig-P5,000 ayuda kada anim na buwan upang makatulong sa kanilang gastusin sa pag-aaral.

Sila ay bibigyan din ng alokasyon sa Government Internship Program (GIP) matapos ang kanilang graduation. Kung walang trabaho ang kanilang mga magulang o guardian ang mga ito ay sasama sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment’s (DOLE).

Sa ilalim ng SIBOL, tutulungan naman ang mga maliliit na negos­yante upang mapalago ang kanilang negosyo.

Nasa 3,000 maliliit na negosyante ang binigyan ng tig-P5,000 cash aid at limang kilong bigas.

JUNEX DORONIO