CASH CARDS SA JEEPNEY DRIVERS IPINAMUDMOD NA NG LTFRB

PANTAWID PASADA

NAGSIMULA nang ipamudmod ng Land Transportation Franchis­ing and Regulatory Board (LT­FRB) sa mga jeepney driver at operator ang kanilang Pantawid Pasada cards o ang tinatawag na cash cards.

Nasa 179,000  driver at operators sa buong Filipinas ang makikinabang sa Pantawid Pasada Fuel Program.

Naglalaman ng P5,000  fuel subsidy ang cash card para sa taong 2018.

Ang inisyal na pamimigay ng cash card ay nagsimula nitong Martes sa LTFRB kung saan 500 na cards ang available para sa  beneficiaries.

Naudlot noong nakaraang linggo ang pamimigay ng cash cards dahil nagkaroon ng concensus ang LTFRB kasama ang Department of  Transportation at  napagdesisyunan na ipamahagi na lang ang P10,000 cash cards na naglalaman ng  P5,000  kaysa sa buwanang P833.00.

Ito ay tulong ng gobyerno sa mga jeepney operator at drivers na apektado ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Samantala, nanawagan si Senador Bam Aquino sa pamahalaan na agad ilabas ang implementing rules and regulations (IRR) para sa Pantawid Pasada Program at tiyakin na direktang mapupunta sa mga jeepney driver ang tulong.

“Ang pagpapatupad ng Pantawid Pasada Program ang dapat madaliin ng gobyerno. Kailangan na ng mga drayber ng jeep ang tulong kontra taas-presyo,” ani Aquino.

Sa IRR, dapat unahin ang kapakanan ng jeepney drivers na nalulunod na sa taas ng presyo ng krudo.

Sa ilalim ng Pantawid Pasada Program, bibigyan ng kabuuang P5,000 ang jeepney drivers para sa huling anim na buwan ng 2018. Ito’y katumbas ng P833 kada buwan o P27.7 bawat araw.

“Hindi pa sapat ang tulong ng Pantawid Pa­sada Program dahil wala pang isang litro ng diesel ang bigay nito sa ating mga jeepney driver. Kulang na nga, hindi pa nila ma-roll-out agad-agad,” diin ng senador. NENET VILLAFANIA, VICKY CERVALES

Comments are closed.