TUMANGGAP si Filipino gymnast Caloy Yulo ng cash incentive mula sa Philippine Sports Commission (PSC) makaraang maging kauna-unahang Pinoy at unang lalaking Southeast Asian gymnast na nagwagi ng medalya sa World Championships.
Mismong si PSC Commissioner Celia Kiram ang nag-abot kay Yulo ng tseke na nagkakahalaga ng P250,000.
Si Yulo ay nanalo ng bronze medal sa 2018 World Artistic Gymnastics Championships na ginanap sa Doha, Qatar noong Nobyembre.
“The check is in recognition to his remarkable performance in Qatar. Imagine, PSC usually gives reward to athlete who performed outstandingly like Yulo did. He is a jewel in gymnastic and the Philippine pride,” sabi ni Kiram.
“Nagpapasalamat ako sa PSC lalo na kay Chairman William Ramirez sa gantimpalang ipinagkaloob sa akin,” masayang pahayag ni Yulo.
Ayon kay Yulo, target niyang makapaglaro sa 2020 Tokyo Olympics at itala ang kanyang pangalan bilang unang Pinoy na nakapaglaro sa quadrennial makalipas ang 50 taon magmula nang sumabak sina Ernesto Beren at Norman Henson noong 1968 edition sa Mexico.
“My ultimate goal is to compete and win medal in the Olympics. I will do my best to fulfill my dream,”wika ng Tokyo-based Pinoy gymnast.
Para magkaroon ng katuparan ang kanyang pangarap, kailangan muna niyang mag-qualify sa isa sa dalawang qualifying tournaments na gagawin sa Australia sa Pebrero at sa Azerbaijan sa Marso.
“Paghahandaan ko ito nang husto. Uumpisahan ko ang ensayo after New Year. Magiging full blast ang training ko” ani Yulo.
Nag-training si Yulo kay Japanese coach Munehiro Kugimiya na kinuha ni Gymnastic Association of the Philippines president Cynthia Carrion kapalit ni Romanian mentor Luminita Eftimiu.
Si Yulo ang pambato ng Pinas sa 2019 Southeast Asian Games at inaasahang muli itong magbibigay ng karangalan sa bansa. CLYDE MARIANO
Comments are closed.