PANAHON na para tunay namang kilalanin natin ang husay, galing, talino at talento ng ating mga kababayang nagwawagi ng iba’t ibang prestihiyosong parangal sa ibayong dagat.
Kamakailan, isinulong natin sa Senado ang Senate Bill 2467 o ang Artists Incentives Act na naglalayong pagkalooban ng cash incentives ang ating mga filmmaker, film production entities, mga manunulat, artists and performers na magwawagi sa isang pandaigdigang gawad-parangal.
Sa pamamagitan kasi ng ating film, music, performing arts, craft, design at film entries, naipakikilala natin sa buong mundo ang ganda ng ating kultura at ang kahalagahan ng kasaysayan ng Pilipinas.
Kung sa ngayon nga na hindi natin sila nabibigyan ng malawak na rekognisyon sa kanilang mga tagumpay ay pinagbubutihan na nila ang kanilang mga obra, paano pa kung kusa nang magbibigay ng insentibo ang gobyerno sa ating Pinoy talents?
Malaking bagay ang pagkilala sa kanilang kontribusyon para isulong ang sining ng Pilipinas. At bilang pagpapasalamat, dapat namang bigyan din natin sila ng benepisyo sa pamamagitan ng cash incentives. Tiyak, mas pagbubutihin pa nila ang kanilang galing dahil dito.
Kaugnay nito, nais nating muling ipaabot ang pagbati at pagkilala sa Pinoy talents na nagwagi ng international awards. Nariyan si G. John Arcilla na itinanghal na Best Actor sa 78th Venice Film Festival sa pelikulang “Yellow Rose” na idinirehe ni Bb. Diane Paragas. Ang naturang pelikula ay nagwagi ng 2019 Reel Asian Best Feature Rim award sa Toronto International Film Festival.
Nariyan din po ang mga mang-aawit na sina G. Marlon Macabaya at Bb. Denise Melanie Du Lagrosa na nagwagi ng 1st place at 2nd place, ayon sa pagkakasunod, sa ginanap na Stars of Albion Grand Prix noong 2019 sa London.
Katangi-tangi naman ang pitong taong gulang (7-year-old) na si Worth Lodriga na tinaguriang “Little Picasso of the Philippines” matapos mag-first place sa Student Mars Art Contest sa US noong 2017.
Ang mga katulad nila ang dapat na tumatanggap ng pagkilala sa sarili nilang bansa.
Kaya dito sa ating panukalang batas, ang ating Pinoy talents na hihirangin sa pinakamataas na rekognisyon o parangal sa iba’t ibang international awards ay tatanggap ng insentibong pinansiyal mula sa gobyerno. Ito ay ibabase sa pagkumpirma ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA, Film Development Council of the Philippines at ng Cultural Center of the Philippines.
Sa ilalim pa rin ng ating panukala, halagang P1 milyon ang tatanggaping cash incentive ng Pinoy talent na bibigyan ng pinakamataas na parangal sa isang international competition, film festival, or exhibition base sa pagkumpirma ng nabanggit na mga ahensiya ng gobyerno.
Samantala, tatanggap naman ng P500,000 ang mga Pinoy talent na pagkakalooban ng special recognition o mga mas mababang parangal sa mga nilahukang kompetisyon.