CASH INCENTIVES SA PINOY TALENTS NA TATANGGAP NG MALAKING PARANGAL SA IBAYONG DAGAT DAPAT ISULONG

SA LAHAT ng pagkakataon – kapag naririnig nating piinapupurihan sa pandaigdigang sektor ang mga Pinoy, ano ba ang nararamdaman natin? ‘Di ba, talagang proud na proud tayo? Halos ipagsigawan natin na – o, kababayan namin iyan! Magagaling ang mga Pilipino!

Talagang nakatataba ng puso kapag alam mong isang kababayan na naman natin ang pinarangalan sa ibayong dagat dahil sa angking galing at talento. ‘Di ba?

Kaya naman, hindi natin dapat palampasin ang pagkakataon na kilalanin din natin sila dito mismo sa ating bansa.

Sa ngayon, isinusulong natin sa Senado ang isang panukala na naglalayong pagkalooban ng cash incentives ang mga kababayan nating nagwagi sa mga dekalidad na patimpalak sa ibang bansa – mga Pinoy na tumanggap ng iba’t ibang parangal sa ibayong dagat, tulad ng ating mga aktres at aktor. Ito ay para magsilbi ring inspirasyon sa kanilang sining at mahikayat na mas paunlarin ang kanilang industriya at lalo pang makilala ang Pilipinas sa ganitong pagkakataon.

Alam n’yo po, tulad ng ating namayapang ama, si datng Senate President Edgardo Angara, tayo rin po ay talagang masugid na sumusuporta sa ating sining. Unang-una, kitang-kita naman natin kung paanong pagsikapan ng ating mga artista na mapagaling ang kanilang talento at kung paanong kinakaya nila na mapabilang tayo sa international community sa aspetong ito.

Sa totoo lang, marami tayong magagaling na artista na tumanggap na ng international awards dahil sa kanilang kakaibang galing sa pag-arte. ‘Di ba, kailan lang, pumutok ang pangalan ng napakagaling na aktor na si John Arcilla dahil naiuwi niya sa bansa ang parangal na Coppi Volpi matapos siyang tanghaling Best Actor sa 78th Venice Film Festival?; si director Diane Paragas ay nagwagi naman sa pelikulang Yellow Rose sa 2019 Reel Asian Best Feature Film award sa Toronto International Film Festival. Nariyan din ang magagaling na bokalistang sina  Marlon Macabaya at Denise Melanie Du Lagrosa, na nagwagi ng una at ikalawang puwesto sa Stars of Albion Grand Prix 2019 sa London at ang pintor na si Worth Lodriga, na noong 7-taong gulang pa lamang ay nagwagi bilang first placer sa 2017 Student Mars Art Contest sa Estados Unidos.

Dito po sa ating itinutulak na Senate Bill 2466 o ang Artists Incentives Act of 2021, nilalayon natin dito na makapagbigay ng karagdagang suporta sa ating filmmakers, film production entities, literary writers, artists and performers sa creative sector na magwawagi ng parangal sa ibang bansa.

Ayon po sa ating panukala, ang mag-uuwi ng pinakamataas na parangal sa international competitions, sa film festivals o exhibitions na kinikilala ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA, Film Development Council of the Philippines (FDCP) at Cultural Center of the Philippines (CCP), ay tatanggap ng kaukulang P1 milyong cash incentive.

Nakapaloob din sa ating panukala ang pagbibigay ng P500,000 cash incentive sa mga makakakuha ng espesyal na pagkilala o anumang  parangal na hindi itinuturing na pinakamataas na pagkilala sa isang pandaigdigang kompetisyon..

Halimbawa po sa mga parangal na ito sa ibayong dagat, kung saan nakagawa na ng pangalan ang ating artists ay ang Festival de Cannes, Sundance Film Festival, Toronto International Film Festival, Venice Film Festival, Berlin International Film Festival, New York Film Festival, at ang Busan International Film Festival.

Ang ating napakagaling na aktres na si Jaclyn Jose ay itinanghal na Best Actress sa Cannes noong 2016 sa pelkulang Ma’Rosa. Iyon po ang kauna-unahang pagkakataong masungkit ng isang Pinoy ang naturang parangal. Talagang malaking karangalan yun dahil dinaig pa niya ang sikat at dekalibreng aktres ng US na si Charlize Theron sa parangal na ‘yun. Isipin nyo yun?

Kaya, sana ay maisabatas ang panukala nating ito bilang pagkilala naman ng ating pamahalaan sa ating magagaling na artists and ­performers.