SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Makati ang distribusyon ng cash incentives para sa mga senior citizen sa lungsod.
Ito ang napag-alaman kay Makati City Mayor Abby Binay na nagsabing may kabuuang 83,857 Blu Card senior citizens holders ang makatatanggap ng kanilang mas maagang year-end cash incentive dahil nais ng lokal na pamahalaan na maiiwas sila sa holiday rush at mabigyan din ang mga ito ng pagkakataon na makapag-isip kung ano ang kanilang mga bibilhin sa perang kanilang matatanggap.
Sa ilalim ng expanded benefits program ng senior citizens, ang Blu Card holders ay makatatangap ng cash incentives ng dalawang beses sa isang taon tuwing buwan ng Hulyo at Disyembre.
Sa pagtatapos naman ng taon, ang mga seniors na nasa edad 60-69 ay makatatanggap ng P1,500; 70-79 taong gulang, P2,000; 80-89 taong gulang, P2,500; at 90-99 taong gulang ay makatatanggap ng P5,000.
Ang mga centenarians ay makatatanggap din ng P5,000 year-end cash incentive kung ang mga ito ay Blu Card holder sa loob ng limang taon at kung hindi naman makatatanggap lamang ito ng halagang P2,500 year-end cash incentive.
Ang mga cash incentives ay direktang papasok sa mga GCash account ng residente upang masiguro ang ligtas, maayos at mabilis na pamamahagi ng kani-kanilang Christmas gifts.
Bukod pa sa maagang distribusyon ng early year-end cash incentives ay sinimulan na ring mamahagi noong nakaraang Nobyembre 2 ang lokal na pamahalan ng Pamaskong Handog gift bags sa 240,000 residente ng lungsod habang sa report ng Makati Action Center ay nakapamahagi na rin ng 6,298 Christmas bags sa mga senior citizen.
Dagdag pa ni Binay, ang mga benepisyaryo nito ay ang 105,000 residente, 84,000 senior citizens, 12,000 differently-abled persons, 4,500 miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), 3,000 relocatees, 11,000 City Hall employees, 5,400 barangay employees, 3,300 DepEd-Makati public school teachers, 750 Makati police officers; 7,300 pedicab, tricycle, at jeepney drivers; at 1,300 vendors.
Sinimulan na rin ang pamamahagi ng Pamaskong Handog tickets at gift bags sa MAC satellite offices sa mga barangay sa lungsod kung saan ang nakatakdang distribusyon ng mga Christmas bags ay gaganapin sa Disyembre 31. MARIVIC FERNANDEZ