CASH SA 4Ps I-CONVERT SA BIGAS

BIGAS-12

PINAG-AARALAN at tinatalakay na ng Department of Agriculture at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang panukalang gawin na lamang bigas ang P600 na rice subsidy na buwanang tinatanggap ng mga benepisyaryo ng 4Ps.

Tiwala si Dar na matatapos ang binabalangkas na memorandum of agreement sa pagitan ng DA at DSWD sa susunod na buwan para sa posibleng pagpapatupad nito ngayong taon.

Aminado si Dar na kailangang dumaan pa sa mga mambabatas ang panukala na rice subsidy upang maging permanenteng polisiya na ito.

Naniniwala si Dar na kung may umiiral na batas kaugnay sa  Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ay kanila pa ring igigiit sa Kongreso ang kanilang posisyon na mapalitan ito at mai-convert na lamang sa bigas ang buwanang cash na tinatanggap ng mga mahihirap na pamilyang Filipino.

PUBLIKO PINAKALMA SA ASF

WALANG dapat ipangamba ang  publiko kaugnay sa ulat na umano’y nakapasok na sa bansa ang African swine fever (ASF).

Ito ang sinabi ni Agriculture Secretary William Dar hinggil sa napaulat na pagkamatay ng mga baboy sa ilang mga lugar sa bansa.

Ayon kay Dar, posibleng sa araw na ito ay lalabas na ang resulta ng laboratory test na isinagawa upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng mga baboy at inaasahang iaanunsiyo sa Biyernes ang resulta ng test.

Ayon kay Dar na sakaling magpositibo ang swine flu ay wala namang dapat na ikabahala ang publiko dahil na-contain ng kagawaran at kontrolado rin naman ang 1 kilometer radius kung saan mayroong mga namatay na mga baboy.

“We have managed, we have contained, we have controlled ‘yong  kilometer at wala na kaming nakikitang sakit doon sa unang naapektuhan,” giit pa ni Dar.

Ipinaliwanag  ni Dar na nakahanda rin ang quarantine measures at food safety measures ng pamahalaan sa buong bansa.

Ayon pa kay Dar, may proseso naman bago katayin ang mga baboy kung saan dapat ay may kaukulang ve­terinarian health certificate at kailangan pa ring may kalakip na National Meat Inspection Services (NMIS) certificate dahil  kung wala ang mga nabanggit ay maaaring kumpiskahin ang mga ito.   EVELYN QUIROZ

Comments are closed.