CASH SUBSIDY SA PUV OPERATORS

LTFRB-1

MAKATATANGGAP ng cash subsidy ang mga pili at kuwalipikadong operator ng public utility vehicles (PUVs) sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), plano nilang simulan ang pamamahagi ng direct cash subsidy ngayong linggo.

Ang pamamahagi ay isasagawa ng Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), alinsunod sa Republic Act 11494, o ang Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2.

Sa Bayanihan 2 ay may nakalaang P1,161,214,210 na pondo upang tulungan ang mga hinambalos ng COVID-19 pandemic o ang mga ‘critically-impacted road-based stakeholders’.

Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng ayudang P6,500 kada unit ang bawat kuwalipikadong PUV operator.

“Ang DOTr, sa pamamagitan ng LTFRB, ang mangangasiwa sa pamamahagi ng pondo upang makatulong sa muling pagban-gon ng mga PUV operator na lubhang naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa pandemya,” ayon sa ahensiya.

Sa kasalukuyan ay limitado ang kapasidad ng mga pampublikong sasakyan para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero habang may pandemya.

“Nakita ng gobyerno ang pangangailangan ng mga PUV operator ng suportang pinansiyal sapagkat hindi pa sapat ang kita sa bawat araw para mabawi ang operation at maintenance cost ng pagpapatakbo ng PUV.”

Ang mga maaaring mabigyan ng cash subsidy ay ang mga operator ng Public Utility Bus (PUB),  Point-to-Point Bus (P2P), Public Utility Jeepney (PUJ), Mini-Bus, UV Express; at FilCab

Ang ayuda ay ipamamahagi sa pamamagitan ng Pantawid Pasada Program (PPP) Cash Cards. Kung wala nito ay ihuhulog  ito sa existing Landbank Account ng operator o sa bank account sa pamamagitan ng PESONet at INSTAPay.

Comments are closed.