HANDANG magpatuloy ang pagbili ng pamunuan ng National Food Authority (NFA) ng palay sa mga magsasaka.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, base sa bagong Implementing Rules and Regulation (IRR) ng batas, bibilhin umano ang mga palay sa halagang P20.40 sa individual farmers habang P20.70 naman sa mga cooperative.
Sinabi ng kalihim na isang sako ng palay ang bibilhin ng NFA at hindi na rin daw magiging requirement ang passbook sa pagbebenta ng ani sa ahensya.
Bunsod nito, hinimok ni Piñol ang mga magsasaka na direktang magbenta ng kanilang mga ani sa NFA dahil cash-to-cash na umano ang pagbili sa mga ito.
DA IPATUTUPAD ANG NATIONAL FERTILIZER SUPPORT PROGRAM
Samantala, tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na maipatutupad sa susunod na planting season ang National Fertilizer Support Program ng gobyerno dahil may go signal na rito si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay DA Secretary Manny Piñol, mayroon ng alok ang Russia na isa sa mga producer ng fertilizer para suportahan ang fertilizer program ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Piñol na ibibigay ang naturang abono sa mga kuwalipikadong magsasaka sa mas mababang halaga at babayaran naman pagkatapos ng anihan ng walang anumang interes.
Aniya, ang mga kuwalipikado sa programa ay miyembro ng irrigators association, Small Water Irrigation System Association, at individual farmers.
Sinabi pa ni Piñol na kasama ang Cagayan at Isabela sa mga lugar na makikinabang sa programa dahil mataas na aniya ang level ng skills sa pagsasaka sa rehiyon.
Bunsod nito, magkakaroon din ng sariling data ang ahensya ukol sa area ng bawat sinasaka ng isang magsasaka para hindi sobra o kulang ang ibibigay na abono. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.