HINILING ni Senadora Grace Poe sa Department of Transportation (DOTr) na masusing pag-aralan ang buong proseso ng cashless payment system sa mga toll road upang maiwasan ang pagkakamali sa kalkulasyon na ikalulugi ng mga motorista.
“Hindi na dapat magdusa pa ang mga motorista sa kanilang pagtupad sa regulasyon ng pamahalaan na gumamit ng cashless toll system,” ayon kay Poe, chairperson ng Senate committee on public services.
Ginawang mandatory ng Department Order No. 2020-012 ng DOTr ang contactless transaction sa mga expressway.
“Kailangang masuri ng gobyerno ang buong sistema at tingnan ang pagbabayad sa dulo ng proseso,” ayon kay Poe.
Sinabi ni Poe na habang ibinibigay ng mga toll operator ang radio frequency identification (RFID) sticker nang libre, ang tanging gagawin ng DOTr ay tingnan ang aspeto ng balanse sa RFID at kung may posibleng singil sa paglo-load upang matiyak na hindi dehado ang mamamayan.
“Mahalaga ang bawat halagang maiiwan sa kanilang mga pitaka, sa pamamagitan ng hindi paghingi ng di-kinakailangang deposito o mas mataas na maintaining balance kaysa sa gagamitin nila. Marami nang pasanin ang ating mga kababayan,” diin ni Poe.
Inihalimbawa ng senador ang Cavitex na kailangang mayroon ang mga motorista ng pinakamababang balanse na P100 sa kanilang mga RFID account at hindi pinapayagan ng sistema ang debiting mula sa account kahit mas maliit ang toll fee na kanilang babayaran.
Kung pumasok ang isang motorista sa Cavitex mula sa Roxas Boulevard at lumabas sa Zapote exit na may P99 balanse, kailangan pa nitong mag-load sa kanyang account kahit aabot lamang sa P25 ang halaga ng toll fee.
“Anumang karagdagan o hindi kailangang gastusin ay hindi na katanggap-tanggap sa mamamayan. Nawalan na sila ng trabaho at kita na may lumolobong utang na kanilang binubunong bayaran,” paalala ni Poe.
“Kaya dapat tiyakin ng pamahalaan na ‘di ipapapasan sa mga motorista ang hindi kinakailangang halaga sa pagmimintina ng balanse,” giit ni Poe.
Kasabay nito, iginiit ng senador na hindi dapat kumplikado at masalimuot ang pagkuha ng RFID. “Kung tutuusin, dapat kasimbilis lang ng pagpapakarga ng gasolina ang pagpapalagay ng RFID,” ayon kay Poe. VICKY CERVALES
Comments are closed.