CASHLESS PAYROLL ISINUSULONG NG DOLE SA GITNA NG PANDEMYA

DOLE-2

HINIKAYAT ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na gawing cashless ang pagpapasahod at pagkakaloob ng benepisyo sa kanilang mga manggagawa.

Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, ang kanilang panawagan sa mga employer na magpatupad ng cashless payroll ay para matiyak ang kaligtasan ng bawat isa laban sa banta ng COVID-19.

“Ang mga employer po gaano man po tayo kaliit o kalaki ay bigyan po natin ng tuon ‘yung payroll system natin using the digital technology, using digital wallets or e-payments,” sabi ni Tutay.

Nagpahayag naman ng suporta ang Employers’ Confederation of The Philippines (ECOP) sa panawagan ng DOLE  pero hindi umano ito pupuwede sa lahat ng mga manggagawa.

Sinabi ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis Jr. na may mangilan-ngilang mga manggagawa sa bansa ang  ‘isang kahig, isang tuka’, kung saan hindi kakayaning maglagak ng maintaining balance sa bangko na paglalagyan ng kanilang sahod.

Sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), karamihan o  71% porsiyento ng mga Pinoy ang wala pang kahit anong financial accounts noong 2019. DWIZ 882

Comments are closed.