SIMULA sa Nobyembre 2 ay ipatutupad na ng Toll Regulatory Board ang cashless at contactless toll collection sa express-ways sa Luzon.
“‘Yun pong department order na inisyu,ang start po niyan November 2. ‘Yun po ang direktiba sa amin that’s why we have to ensure na by November 2 ‘yung transaction ng toll collection sa mga expressway through electronic toll na lang o ‘yung tinatawag na RFID,” pahayag ni TRB executive director Abe Sales.
Ang tinutukoy niya ay ang Department of Transportation Order 2020-012 na nag-aatas sa mga kinauukulang ahensiya na bumuo ng mga bagong proseso at pamamaraan sa loob ng tatlong buwan upang matiyak ang maayos na implementasyon ng cashless at contactless toll collection para mapigilan ang pagkalat pa ng COVID-19.
Sinabi ni DOTr Assistant Secretary Mark Steven Pastor na pinirmahan na nl Secretary Arthur Tugade ang department order sa bagay na ito.
“May department order na po na pinirmahan ang aming mahal na Secretary Tugade. Ngayon po ang first day of publication,” ani Pastor.
Ayon sa DOTR, bubuo ang TRB ng mga panuntunan at regulasyon para sa concessionaires at operators ng toll expressways sa paglipat nila sa electronic toll collection systems. Ang contactless transactions ay ipatutupad sa South Luzon Expressway (SLEX), Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX), North Luzon Expressway (NLEX), South Metro Manila Skyway, Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Cavite-Laguna Expressway (CALAX), at sa lahat ng iba pang road networks, kabilang ang anumang extension ng nabanggit na mga umiiral na expressway facilities na maaaring itayo at/o patakbuhin bilang expressway toll facilities.
Comments are closed.