CASIMERO WBO BANTAMWEIGHT CHAMP PA RIN

Johnriel Casimero

TULOY ang pagdiriwang ng sambayanan sa tagumpay ng Philippine boxing.

Nalusutan ni Johnriel Casimero ang matikas na pakikihamok ni Cuban star Guillermo Rigondeaux via split decision para mapanatili ang WBO bantamweight title nitong Linggo (Sabado sa US) sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California.

Ibinigay ng huradong si Tim Cheatham ang 115-113 iskor para kay Rigondeaux, habang nakuha ni Casimero ang iskor mula sa huradong sina Robert Hoyle, 117-111, at  Daniel Sandoval 116-112.

Naging madulas si Rigondeaux sa istilo nitong suntok, takbo ngunit may pagkakataon na naririndi ito sa mga patama ng Pinoy champion sa katawan at mukha.

Nakakasingit ang Cuban sa kanyang istilo na hindi naibigan ng maliit na crowd kung kaya  inulan nila ito ng hiyawan bunsod ng pagkadismaya.

Sa punch stats, nakuha ni Casimero ang 47 sa binitiwang 297 suntok, habang nakatama si Rigondeaux ng 44 sa binitiwang 221.

Bunsod ng panalo, nahila ni Casimero ang marka sa 31-4-0, tampok ang 21 KOs, habang natikman ni Rigondeaux ang ikalawang sunod na kabiguan para sa 20-2-0 karta, kabilang ang 13 KOs.

Sa supporting bout, naitala ni Pinoy rising star Jonas Sultan (17-5-0, 11 KOs) ang impresibong knockout win sa Round 7 kontra Sharone Carter ng St. Louis of Missouri sa kanilang bantamweight match.

Hindi pa humuhupa ang kasiyahan ng Pinoy nang magwagi ng dalawang silver medals mula kina Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at isang bonze mula kay Eumir Marcial ang Philippine boxing sa katatapos na Tokyo Olympics.EDWIN ROLLON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *