CASINO PLANONG ISAPRIBADO

PLANONG isapribado ni Parañaque City 1st District Rep. Edwin Olivarez ang mga casino sa lungsod na pinapatakbo ng gobyerno sa dahilang nagkakaroon ng problema o di magkatugmang mandato ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ito ang napag-alaman kay Olivarez sa kanilang isinagawang congressional hearing upang pag-usapan ang proposed budget ng PAGCOR na umaakto bilang gaming regulator sa pinapatakbong 45 casinos sa buong bansa na nagdudulot ng kalituhan sa pag-regulate.

Bukod pa sa 45 casinos, binabantayan pa ng PAGCOR ang 9 na lisensiyadong casino operators kung saan kabilang dito ang tatlong casinos na matatagpuan sa Entertainment City na pinagsilbihan din ni Olivarez bilang alkalde ng siyam na taon.

Sinabi ni Olivarez, chairman of the House Committee on Government Enterprises and Privatization na mayroon pang ika-apat na casino na nakatakdang magbukas sa Entertainment City sa mga darating na araw habang karamihan naman sa mga lisensiyadong casino ay matatagpuan sa Clark Freeport sa Pampanga at sa iba’t-ibang sulok ng bansa.

Aminado naman si PAGCOR Chairman and CEO Alejandro Tengco na nagkakaroon ng konting kalituhan at naghahanap ng pamamaraan upang malutas ito kasabay ng paghingi ng ahensiya sa Kongreso na bigyan sila ng sapat na panahon para mapag-aralan ang bagay na ito.

Sumang-ayon din si Tengco na ang mga pribadong casinos ay hindi nagbabayad ng operating fees sa mga lungsod na nakasasakop sa kanila at idinagdag pa nito na ang kanyang tanggapan ay maghahanap din ng paraan upang mabigyan ang mga LGUs ng mas malaking bahagi mula sa casino revenues.
MARIVIC FERNANDEZ