NAGTALAGA ang pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ng bagong officer-in-charge sa Iloilo station kasunod ng pagtaob ng tatlong motorized banca na ikinamatay ng 31 katao habang may lima pang nawawala.
Opisyal nang nanungkulan bilang bagong Coast Guard Iloilo commander si Captain Erlinda Beliro.
Hinalinhan ni Beliro si Commander Perlita Cinco na inalis sa kaniyang puwesto dahil sa nasabing insidente sa Iloilo-Guimaras Strait noong Hulyo 27.
Ayon kay Beliro may mga pagbabagong magaganap sa kanyang pamamahala.
“Protocols would be changed,” ayon kay Beliro na bagaman hindi nito idinetalye ang mga inilatag na mga pagbabago subalit tiniyak nito na sisiguraduhin ng Coast Guard ang kapakanan ng mga sea traveler.
Sa kasalukuyan ay may apat pang nalalabing sea vessels na naghahatid ng mga pasahero mula Iloilo papuntang Guimaras at pabalik dahil hindi pa pinapayagan ng Navy.
Tinatayang nasa 40 pa na bangkang de motor na may 90 crews ang kasalukuyang stranded sa Parola Wharf sa Iloilo City. VERLIN RUIZ