PARIS – Inilagay ni Filipina fencer Samanta Catantan ang kanyang pangalan sa Philippine sports history makaraang gulantangin si Mariana Pistoia ng Brazil sa Round of 64 ng women’s individual foil event sa Paris Olympics.
Gayunman ay natapos ang kanyang Olympic journey sa sumunod na round laban kay top seed at world no. 2 Arianna Errigo ng Italy.
Nalusutan ni Catantan, ang lowest-ranked fencer dito sa no. 266, ang maagang 4-7 deficit at ang knee injury upang gapiin si no. 65 Pistoia, 15-13. Ito ang unang pagkakataon na nanalo ang isang Filipino fencer sa isang direct elimination match sa Olympics.
Si Barcelona Olympian (1992) at ngayo’y Philippine Sports Commissioner Walter Torres ay nanalo ng isang bout (at natalo ng lima) subalit sa Round of Pools, upang mabigong mag-qualify sa finals sa 53rd mula sa 59 kalahok
Kumpiyansa ang coach ng Pinay na si Rolando “Amatov” Canlas na malulusutan ni Catantan ang Brazilian foe, tinukoy ang kawalan ng karanasan ni Pistoia sa major international competitions. Ang training ng fencer kay Italian coach Matteo Zenarro, dating Olympic medalist, ay pinaniniwalaan ding mahalagang salik sa kanyang tagumpay.
“Inaral namin ang laro ng Brazilian,” sabi ni Canlas, bago nag-ensayo si Samantha noong Sabado.
“Malalampasan niya ito,” sabi ni Canlas bago ang laban. “Hindi siya (Pistoia) masyado sumasali sa mga worlds, kaya 50-50 tayo du’n. Puwede manalo.”
Sa kabila ng makasaysayang panalo, nakasagupa ni Catantan ang mabigat na kalaban sa katauhan ni Errigo.
Masyadong malakas ang Italian at sa huli ay tinalo ang Pinay, 15-12.