SINA coach Amat Canlas at Olympian Sam Catantan sa PSA Forum. PSA PHOTO
GAGAWIN ni Sam Catantan ang lahat para masungkit ang inaasam na tagumpay sa Paris Olympics.
Si Catantan ang unang Philippine fencer na nakapasok sa Olympics sa loob ng 32 taon.
Ang 22-anyos na si Catantan, isang fencing scholar sa Penn State University, ay papasok na sa final phase ng kanyang pagsasanay para sa Olympics. Nakatakda siyang magtungo sa Italy para sa isang camp na gaganapin sa June 12-29 at pagkatapos ay tutuloy sa France para tapusin ito bago mag-check in sa Athletes Village sa July 25.
Sasabak si Catantan, nag-qualify sa Olympics nang magwagi ng gold sa Asian and Oceania Olympics Qualifying Tournament noong nakaraang April, sa direct elimination Round-of-64 sa July 28. Kapag nagtagumpay siya, sasalang siya sa pinakamabigat na bahagi.
Sa Round-of-32 ay posibleng makasagupa niya ang No. 1 fencer sa women’s foil – Tokyo Olympics gold medalist Lee Kiefer ng United States – o ang second-ranked fencer.
“Kahit saan kami pumwesto dito, malakas ang makakalaban namin,” sabi ng long-time coach ni Catantan na si Amat Canlas, sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex.
“If we get to the Round-of-32 as the No. 32 then we will meet the No. 1 player,” aniya.
Gayunman, sinabi ni Catantan na hindi sila nawawalan ng pag-asa dahil gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya, sa pagiging unang Philippine fencer na nakapasok sa Olympics matapos nina Percy Alger sa 1988 Seoul Olympics at Walter Torres, kasalukuyang commissioner ng Philippine Sports Commission, sa 1992 Barcelona Olympics.
Walang plano si Catantan, ganap nang nakarekober mula sa ACL injury na kanyang tinamo sa 2023 SEA Games sa Cambodia, na agad sumuko.
“Nothing is impossible,” pahayag niya sa weekly forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO, at ArenaPlus, ang 24/7 sports app sa bansa.
Hindi inaalis ni Catantan ang posibilidad na makaharap si Maxine Esteban, ang kanyang dating teammate sa Philippine team na nag-qualify sa Paris Olympics dala ang bandera ng Ivory Coast.
“It’s an external factor that we don’t have any control of,” ani Catantan, na gugugulin ang mga susunod na linggo sa pagsasanay kasama ang mga miyembro ng Philippine men’s team.
“Itatapat ko na siya sa magagaling na lalaki natin hanggang umalis kami for Italy. Ibang training program naman ‘yun,” sabi ni Canlas.
Sa Venice, si Catantan ay magkakaroon ng pagkakataon na magsanay kasama ang mga miyembro ng Italian team.
“We were invited, and ang maganda is that sagot ng Penn State lahat. His Italian coach at Penn State will be with Sam. Then pagdating niya sa France, ako na ang kasama niya,” ayon kay Canlas.
Hinggil sa posibleng duelo kay Esteban, sinabi ni Canlas na mas gugustuhin niyang iba ang makaharap ni Catantan.
“Mas gusto namin kung ibang country na lang ang makalaban. Matagal na sila mag-teammate ni Maxine. But of course, kung ‘yun ang nasa bracket then paghahandaan namin,” aniya.
CLYDE MARIANO