TINALO ni Samantha Catantan si Sofia Aktayeva ng Kazakhstan, 15-14, sa women’s foil final ng Asia-Oceania Zonal Olympic Qualifier sa Fujairah, United Arab Emirates noong Sabado upang makapasok sa Summer Games na gaganapin sa July 26-Aug. 11.
Patungo sa finals, ginapi ng 22-year-old si Israa Al Siyabi ng Oman sa quarterfinals, 15-4; at ginulantang si world No. 34 Hong Se-na ng Korea l sa semifinals,15-3.
“I can’t thank my family, friends, coaches, teammates, and everyone who supported me enough. But most importantly, I want to thank everyone who never left my side — those who believed in me when I had doubt, pushed me when I felt weak, and celebrated with me through every progress and setback,” pahayag ni Catantan sa isang post sa Facebook.
Si Walter Torres ang huling Filipino fencer na sumabak sa Olympics, sa 1992 Barcelona Games.
Si Catantan ay naglaro para sa University of the East high school team at pinangunahan ang Junior Warriors sa ika-9 na sunod na titulo sa kanyang final year noong 2020.
Naging Most Valuable Player siya sa lahat ng limang taon niya sa UE sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Si Catantan ang ika-12 Pinoy na nakapasok sa Paris Olympics. Ang 11 iba pang Filipino Olympians ay sina pole vaulter Ernest John Obiena; boxers Eumir Felix Marcial, Nesthy Petecio at Aira Villegas; weightlifters Vanessa Sarno, Erleen Ann Ando at John Febuar Ceniza; gymnasts Carlos Yulo, Aleah Finnegan at LeVi Jung-Ruivivar; at rower Joanie Delgaco.