MALAKI ang impluwensiya ni Pangulong Rodrigo Duterte para paboran ni 2018 Miss Universe Catriona Gray na gawing legal ang marijuana para sa medical use.
Ito ang paniniwala ni Presidential Spokesman Salvador Panelo. Ang posisyon umano ni Gray sa legalisasyon ng ipinagbabawal na marijuana ay adoption ng paninindigan ni Pangulong Duterte.
Sa question and answer portion sa Miss Universe pageant, tinanong ang pambato ng Filipinas kung ano ang posisyon nito sa paggamit sa marijuana.
Sinagot ito ni Gray na pabor siya na gamitin ang marijuana sa medikal, subalit hindi para sa recreation o gawing bisyo.
Ayon kay Panelo, maaring kinatigan din ni Gray ang posisyon ni Presidente Duterte matapos magsagawa ng sariling pag-aaral ukol sa paggamit ng marijuana.
Si Gray ang ikaapat na pambato ng Filipinas na nakasungkit sa korona ng Miss Universe na sumunod kina Gloria Diaz, Margie Moran at Pia Wurtzbach.
Umusok ang social media sa mga reaksiyon ng mga netizen kaugnay sa panalo ni Gray.
May mga nagsabing itinakda talaga ang panalo ng Miss Philippines dahil ito ang kumumpleto sa apat na kulay ng watawat ng Filipinas: kulay dilaw na gown ang isinuot ni Diaz noong manalo ito bilang Miss Universe Taong 1969.
Kulay puti naman ang gown ni Margie Moran habang asul si Pia Wurtzbach at pula kay Gray.
Comments are closed.