CAVALIERS SINILO NG NETS

NAGBUHOS si Kevin Durant ng 27 points, kabilang ang go-ahead basket sa huling bahagi ng fourth quarter, upang tulungan ang bisitang Brooklyn Nets na maitakas ang 117-112 panalo kontra Cleveland Cavaliers Lunes ng gabi.

Nagbalik si Durant mula sa pagliban sa  two-point win laban sa bisitang Orlando Magic noong Biyernes dahil sa minor right shoulder sprain at may mga pagkakataong nagkumahog sa gabing binura ng Nets ang 12-point deficit.

Nagsalansan si Durant ng 9 assists at 6 rebounds. Nagdagdag si reserve LaMarcus Aldridge ng 21 points at kumalawit ng 11 rebounds para sa Brooklyn. Nakalikom si James Harden ng 14 at season-high 14 assists.

Umiskor si Darius Garland ng 24 points at nagbigay ng 11 assists para sa Cleveland na nalasap ang ika-4 na sunod na pagkatalo. Nagdagdag si Lauri Markkanen ng 22 points sa kanyang unang laro mula sa nine-game absence sanhi ng health at safety protocols ng NBA.

Grizzlies 119,

Jazz 118

Tumirada si Ja Morant ng game-high 32 points at pinasahan si  teammate Jaren Jackson Jr. sa game-winning basket, may 6.7 segundo ang nalalabi, nang gulantangin ng Memphis ang Utah sa Salt Lake City.

Tumapos si Jackson na may 26 points at 8 rebounds, at nakuha niya ang jump ball habang paubos ang oras at nakabawi ang Memphis mula sa nakahihiyang 43-point loss sa Minnesota noong Sabado ng gabi.

Umiskor si Donovan Mitchell ng Utah ng 18 points ngunit ipinasok lamang ang lima sa 20 shots. Nagmintis siya sa game-winning attempt sa final seconds. Nag-ambag si Rudy Gobert ng 23 points, 13 rebounds at 5 blocked shots.

76ers 102,

Kings 94

Humugot si Andre Drummond ng game-high 23 rebounds at  nag-ambag  ng krusyal na dunk sa isang late run nang sirain ng bisitang  Philadelphia ang debut ni Alvin Gentry bilang interim coach ng Sacramento.

Ang pagkatalo ay ika-4 na sunod at ika-8 sa huling siyam na laro ng Kings, na sinibak si Luke Walton noong Linggo at pinalitan ni Gentry, na isang assistant.

Nasayang ng Kings ang nine-point, fourth-quarter lead sa kabila na nakakuha ng 23 points kay De’Aaron Fox. Umiskor si Tyrese Maxey ng 24 points para sa 76ers, na naglaro na wala sina  Joel Embiid, Tobias Harris, Seth Curry at  Ben Simmons.

Sa iba pang laro: Suns 115, Spurs 111; Hornets 109, Wizards 103; Celtics 108, Rockets 90; Hawks 113, Thunder 101; Pacers 109, Bulls 77; Bucks 123, Magic 92; Timberwolves 110, Pelicans 96.