CAVITE- HALOS masira at mapuno na ang mga lambat ng mga mamamalakaya sa katatanggal sa mga isdang tamban na nakasabit dito matapos ang isang magdamagang pangingisda sa dagat.
Umaapaw ang bangka ng mangingisda dahil sa huling isdang tamban na umaaligid ngayon sa karagatan ng Rosario, Cavite.
Umaabot sa 48 timba o katumbas ng 864 kilo ng isdang tamban ang nahuhuli bawat araw ng mga mangingisda. Naibebenta ito ng P700 bawat timba.
“Halos isang buwan ng ganito lagi ang nahuhuli namin sa dagat. Isang biyayang maituturing ang pagkakataon na ito. Ngayon lang ito nangyari sa amin,” ayon kay Mike Concha, Pangulo ng Mangingisda sa Rosario.
“Marahil ang pagkakaroon namin ng artificial coral reef ang dahilan ng mga ito. Maraming salamat sa Poong Maylikha…. Maraming salamat sa Iyong biyaya, ” dagdag pa ni Concha.
Ang isdang tamban ang siyang pangunahing sangkap sa pagagawa ng sardinas.
SID SAMANIEGO