NAKATAKDANG magsampa rin anumang oras si Noveleta Mayor Dino Reyes-Chua ng patong-patong na kaso laban kay Cavite City Mayor Bernardo ‘Totie’ Paredes.
Ang pagsasampahan ng kaso at pagkakagulo ng dalawang alkalde ng magkatabing bayan ay tumawag ng pansin sa gitna ng malaking krisis na kinakaharap ng bansa, partikular na ng kanilang lalawigan.
“Isang malaking kahihiyan ito sa aming mga Caviteno, na sa halip na magkaisa at magtulungan sa oras ng krisis ay sila-sila ang nagkakagulo,” pahayag ng isang dating prinsipal sa Cavite City na ngayon ay naninirahan sa bayan ng Noveleta.
Matatandaan na kinasuhan ng Cavite City government, sa pangunguna ni Mayor Paredes sa PNP Regional Anti Cyber Crime Unit (RACU) si Mayor Chua dahil sa umano’y pagpapakalat nito ng fake news tungkol sa isang pasyente na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon sa reklamo, isang kasulukuyang empleyado ni Paredes ang umano’y umamin na siya ang creator at dating administrator ng fake account sa social media.
“Kung pagbabatayan ang kanilang reklamo, ang sinasabi nilang admin na gumawa ng fake account ay tauhan nila sa City Hall at isang close-in security ng kanilang pamiya. Bakit niya ibibintang sa akin ito. Dapat siya ang makasuhan dito ,” pahayag ni Chua.
“Dahil sa ginawa nilang pagpaparatang sa akin, natural lamang na ipagtanggol at linisin ko ang aking pangalan.” ani Chua “Masyado na kaming abala para sa sarili naming bayan para isisi pa nila sa akin ang kapalpakan nila.”
Ilan sa mga kasong nakatakdang isampa ni Chua laban kay Paredes at mga kasama nito ay perjury at libelo, samantalang P10-million naman na kasong sibil ang ihahain laban sa bawat isa.
Samantala, inihanda na rin ng abogado ni Mayor Chua na si dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque ang pagsagot sa kasong isinampa sa Cavite City Prosecutor’s office.
Sa kabila nito, nanawagan pa rin si Chua kay Paredes sa pamamagitan ng isang video sa social media, at sinabing nalulungkot siya sa pangyayari dahil inuna pa umano ni Paredes ang personal na interes-politikal kaysa pagtutulungan at pagkakaisa para sa ikabubuti ng kani-kanilang nasasakupan.
“Patawarin mo sila, lungsod ng Cavite, dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa,” pagtatapos ni Chua.
Comments are closed.