CAVITE – NANGANGAPA pa rin sa dilim ang mga imbestigador ng pulisya kaugnay sa kaso ng apat katao kabilang ang 3 bading na dinukot ng mga armadong lalaki noong Disyembre 19, 2020 sa Brgy Ligas 3, Bacoor City bago natagpuang patay sa malalim na bangin sa Bgry. San Jose, Tagaytay City, Cavite kamakalawa ng umaga.
Base sa police report ni SPO2 Ivan Garcia na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, kinilala ang mga biktima na sina Lino ” Nicole” Quilanita, Mark ” Erika” Ian Endrina, Glelar “Ar-ar” Bondoc at ang isa pang bineberipika ang pagkakakilanlan na pawang nakatira sa Brgy. Ligas 2, Bacoor City, Cavite.
Nabatid na nag-iinuman ng alak ang mga biktima kasama ang tatlong kabataan sa Ecotrend Subd. Brgy Ligas 2 nang umalis si Erica para makipag-inuman din sa Tortona Subd. Barangay Ligas 3 noong Disyembre 18, 2020 ng gabi.
Napag-alaman, madaling araw ng Disyembre 19 nang pasukin ng mga armadong lalaki ang kinaroroonan ni Erica bago siya dukutin kasama ang iba pang biktima na lulan ng Mitsubishi Montero na may plakang DAH 7942.
Humingi ng tulong sa pulisya ang mga kaanak kaya nagsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pagdukot sa mga biktima hanggang makakuha sila ng kopya ng CCTV footage sa krimen.
Agad na tinungo ng pulisya ang may-ari ng SUV sa San Pablo City, Laguna matapos ang beripikasyon subalit ang mismong may ari ng sasakyan ang pagpatunay na ninakaw ang plaka nito noong Oktubre 2019 kung saan ipinakita ang affidavit of loss.
Gayunpaman, noong Miyerkulas ng gabi ay natagpuan ang mga bangkay nina Quilanita at Endrina sa may 30 talampakang lalim na bangin sa nasabing barangay kung saan kinilala ng kanilang mga kaanak habang ito ay nasa punerarya sa Brgy. Bulihan, bayan ng Silang, Cavite.
Samantala, natagpuan din sa nasabing bangin noong Huwebes ng umaga ang bangkay ni Bondoc at isa pang bangkay na kasalukuyang bineberipika ng pulisya ang paglakakilanlan.
Sinisilip ng pulisya ang dalawang anggulong may kinalaman sa pagiging katiwala ni Erica sa paghawak ng milyong salapi o may kinalaman sa drug trade ang motibo ng mga suspek kung saan sinasabing may person of interest nang tinututukan ang Cavite PNP. MHAR BASCO
Comments are closed.