TULAD ng inaasahan, nangibabaw ang mga junior standout mula sa Paranaque-BEST at Calayan Foundation, ngunit humirit ang batang Cavite, tampok ang pinakabagong talento na susubaybayan sa FINIS-Southern Tagalog Cup age-group swimming competition nitong Sabado sa Quezon National High School Swimming Pool sa Lucena, Quezon.
Kuminang at nagpamalas ng katatagan ang mga top age-grouper na sina Michaela Jasmine Mojdeh, Julia Ysabelle Basa, Jordan Ken Lobos, Marcus De Kam at Huge Antonio Parto, ngunit may nanggulat na swimming prospect, sa katauhan ni Shania Joy Baraquiel.
Naungusan ng 15-anyos na si Baraquiel ang national record holder at Palarong Pambansa champion na si Mojdeh sa 15-over 50-meter backstroke sa bagong meet record na 33.57 segundo. Naisumite ng BEST standout ang tyempong 34.89 para sa silver, habang pangatlo si Reneilly Trinidad ng Calayan Educational Foundation (35.23).
Sa 50-meter freestyle, nakaulit si Baraquiel kay Mojdeh (30.89) sa tiyempong 29.33 para sandigan ang Cavite Sea Beast Swimming Team sa pagkopo ng overall team championship tangan ang kabuuang 401 puntos sa 15-team competition sa pagtataguyod ng FINIS Philippines, McDonald’s Philippines, Behrouz Persian Cuisine, at City Government of Lucena.
Nakuha ng Calayan Educational Foundation ang ikalawang puwesto sa overall na may 347 puntos, kasunod ang Batangas Gator (350), Quezon Killer Whale (345), Manuel Enverga (324) at Paranaque Killer Whale (312).
Nakabawi ang multi-titled junior internationalist na si Mojdeh sa duelo kay Baraquiel (32.20) nang tampukan ang girls 15-over 50-m butterfly sa oras na 30.29 segundo, pangatlo si Renavive Subida ng Blumen Orca (32.42.)
Mistulang nagising ang lakas ng tinaguriang ‘Water Beast’ at pambato ng Brent School-Laguna nang dominahin ang 200-meter Individual medley sa bagong meet record na 2:40.01 laban kina Bela Magatibay (2:40.73) at Subida (2:50.41), gayundin ang 50-m breast stroke sa bago ring meet record na 36.51 segundo.
“We’re so happy and blessed at nakabalik ang mga bata sa face-to-face action. Hindi namin inaasahan na ganito karami ang sasali considering na mahabang panahon ang lockdown. Pero mas nagulat kami at na-impress sa personal best time ng mga bata. Marami ang stand out. Ipagpapatuloy namin ito para mas marami tayong ma-discover na talent for our future team to international competition,” pahayag ni Joan Mojdeh, pangulo ng organizer Swim League Philippines (SLP).
Sa nakamit na tatlong gold, isang silver at isang bronze medal, nakopo ni Mojdeh ang top female individual award para sa 15-over class tangan ang kabuuang 49 puntos. Itinanghal na top swimmer sa 14 class si Julia Ysabelle Basa na may 58 puntos, habang ang iba pang awardees ay sina Kylee Magtangob (8-15), Alex Cassandra Olaes (10/57), Arianna Carandang (12/55), Sinagtala Cuevas (12/55), Emma Paz (8/66), Sophia Valencia (11/52), Hannah Marie Honor (13/24) at Kathrine Azores (17/39).
Sa male category, wagi sina Richard Navo (10/57), Rio Coliyat (12/66), Guile Coliyat (14/62), Marcus De Kam (16/47), Drei Mabilin (6/69), Jace Cesa (8/20) Josh Coliyat (7/20), Lucas Valencia (9/71), Hiro Quindara (11/45), Klint Andrei Magtangob (14/31),at Renz Carl Sabalvaro, (18/23).
Nakuha ni Basa, pambato ng Bataan, ang panalo sa 200m IM (13 -14) sa tiyempong 2:47.91 laban kina Merriel De Luna ng QC (3:05.20) at Shinloah San Diego (3:05.89), gayundin sa 50-m back sa tiyempong 31.42 laban kina San Diego (31.89) at De Luna (34.13). EDWIN ROLLON