SISIMULAN na ang konstruksiyon ng Cavite segment ng Cavite-Laguna Expressway sa third quarter ng taon makaraang makakuha ang proyekto ng environmental compliance certificate (ECC).
Inanunsiyo ni Public Works Secretary Mark Villar ang kaganapan sa isinagawang ocular inspection ng Laguna segment ng CaLaEx.
“Na-issue na ‘yung ECC, so puwede nang magsimula,” wika ni Villar.
Ang ECC ay isang dokumento na iniisyu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang sertipikasyon na ang panukalang proyekto ay hindi magdudulot ng negatibong epekto sa kapaligiran.
Ang Cavite segment ay sasakop sa 27 kilometers ng 45-kilometer CaLaEx, habang ang Laguna portion ay may 18 kilometers.
“We have already started the acquisition of right-of-way as early as this year… We’ve identified the areas and madali na ‘yon and we will be able to start the civil works this year,” wika ni Villar.
Para sa konstruksiyon ng Cavite segment, kinuha ng MPCALA Holdings Inc., isang unit ng Pangilinan-led Metro Pacific Tollways South Corp., ang Leighton Contractors.
Samantala, sinabi ni Villar na ang Laguna segment ay 40 porsiyento nang tapos at 80 percent ng rights of way ay kasalukuyan nang pinoproseso.
“Sa Laguna section, maganda naman ang progress ng construction, so tina-target pa rin namin na by Christmas matapos ‘yung Laguna portion,” aniya.
“It’s doable, pero siyempre may challenges like ‘yung weather. May kaunting challenges pa rin, pero so far nare-resolve naman ‘yung mga problema,” dagdag pa niya.
Ang DM Consunji, Inc. naman ang kinuhang contractor para sa konstruksiyon ng Laguna segment.
Ang P35.682-billion CaLaEx project ay iginawad sa MPCALA noong 2015 sa ilalim ng public-private-partnership program. May concession period ito na 35 taon, kabilang ang 5 taon ng design at construction.
Ang four-lane, 45-kilometer tollway ay magkokonekta sa Manila-Cavite Toll Expressway (Cavitex) at South Luzon Expressway (SLEX).
Comments are closed.