CAVITE- DALAWA katao kabilang ang isang miyembro ng Provincial Highway Patrol team ang napatay habang dalawa naman ang nasugatan sa naganap na madugong shootout sa kahabaan ng Manila-Cavite Road sa Purok 3, Brgy. 8 sa Cavite City sa lalawigang ito kahapon.
Sa inisyal na police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, kinilala ang napatay na pulis na si P/Chief Master Sargeant Julius Arcalas habang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng isa pa na sinasabing miyembro ng Phil. Navy.
Kinilala naman ang dalawang sugatan na sina P/Staff Sargeant Emerson Domingo at Eduardo Magbana ng Brgy. 8, Pulo 3 na isang sibilyan na tinaman ng ligaw na bala.
Nabatid sa ulat, nagpapatrolya ang grupo ng Cavite Provincial Highway Patrol sa pangunguna ni P/Captain Eduardo Joy Guadamor nang maispatan nila ang isang Nissan Terra na walang plaka na may lulang dalawang lalaki.
Kaagad na pinahinto ng grupo ni Guadamor ang kotse para beripikahin ang rehistro ng sasakyan subalit nagpakilala ang dalawa na miyembro ng Phil. Navy kung saan namataan naman ni Domingo na may nakasabit na uniporme ng Navy sa likurang upuan.
Lumabas ng kotse ang suspek nagpakilalang Navy na agad na niratrat nito ang grupo ng mga pulis na nauwi sa shootout kung saan napatay ang una.
Mabilis naman na tumakas ang kasabwat kung saan pinaharurot ang Nissan Terra patungo sa direksyon ng Noveleta habang sugatan naman sina Domingo at Magbana na naisugod sa ospital.
Samantala, dead on arrival naman sa Cavite Medical Center si Arcalas habang narekober sa encounter site ang isang cal. 5.56 Bushmas-ter at mga bala. MHAR BASCO
Comments are closed.