CAVITE TODO NA SA BBM-SARA UNITEAM – GOV REMULLA 

Pormal na inindorso ni Cavite Governor Jonvic Remulla ang kandidatura nila UniTeam presidential bet Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kanyang running-mate na si Davao City Mayor Sara Duterte nitong Biyernes nang mangampanya ang UniTeam alliance sa nasabing lalawigan.

“Marcos country talaga ‘to,” wika ni Remulla patungkol sa Cavite nang tanungin ng mga mamamahayag.

Ang buong UniTeam ay bumisita sa Tanza, Gen. Trias at Imus sa Cavite para sa kanilang kauna-unahang provincial sortie matapos ang opisyal na pagbubukas ng panahon ng pangangampanya.

“Mr. President (BBM) ‘pinapangako na namin ang Cavite ay para sa inyo. ‘Pinapangako na namin ang 800,000 plus votes dito sa Cavite para sa inyo. ‘Pinapangako ko ang lahat ng suporta ng mga mayor ng Cavite sa inyo tandaan nyo, dito sa Cavite sagot na namin lahat. Walang gagastusin ang BBM campaign dito sa Cavite, sagot na namin lahat ‘yan,” pahayag ni Gob. Remulla.

“Sa ngalan ng lahat ng mayors dito sa Cavite nandiyan din ang ating vice governor, mga congressman nandito, 100 percent ang suporta namin at ang 800k plus votes ng Cavite,” dagdag pa niya.

Noong Enero, inihayag ni Remulla na si Marcos ang landslide winner sa lalawigan matapos niyang makuha ang 62 porsiyento ng mga boto sa isang internal survey na nilahukan ng 1,600 respondents sa buong Cavite mula Disyembre 1 hanggang 5 noong nakaraang taon.

“Surveys are a snapshot in time. If the election was held today? BBM will win in Cavite by a landslide,” ani Remulla sa kanyang Facebook post noong Enero.

Si Sen. Panfilo Lacson, na isang kilalang tubong Cavite, ay pumangalawa lamang kay Marcos matapos makapagtala ng 16 porsiyento, habang si Leni Robredo ay pumangatlo na may siyam na porsiyento lamang. Si Manila Mayor Isko Moreno naman ay nakakuha ng anim na porsiyento, at si Sen. Manny Pacquiao ay apat na porsiyento ang naitala.

Ayon sa pinakahuling tala ng Commission on Elections (Comelec) noong 2019, mahigit dalawang milyon ang bilang ng mga rehistradong botante sa Cavite. Pangalawa sa Lalawigan ng Cebu na may pinakamaraming bilang ng mga botante na may mahigit tatlong milyon.

Bagama’t nasa dalawang milyon ang rehistradong botante ng Cavite, nasa 1.3 milyon lamang ang aktwal na bumoto dito noong national and local mid-term elections taong 2019.

Samantala, ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ay kilala bilang rehiyong may pinakamayaman sa boto sa bansa na may mahigit walong milyong botante o 14 porsiyento ng kabuuang populasyon ng mga botante sa bansa.