Libre pa rin ang toll fees ngayon sa bagong bukas na Sucat Interchange-Segment 2 C-5 Link of Cavitex hanggang hindi nag-iisyu ang Toll Regulatory Board ng “Notice to Start Toll Collection,” ito ang pahayag ng Philippine Reclamation Authority (PRA).
Dati, 30-day toll suspension lamang ang rekomendasyon ng PRA sa lahat ng segments ng Cavitex bilang pagsunod sa atas ni President Ferdinand Marcos Jr.
Natapos na ang 30-day toll holiday noon pang July 31, 2024. Pero sabi ng PRA, hindi pa rin sila maniningil sa mga motorista, at mananatili ito habang wala silang iniisyung notice.
Ang Cavitex Segment 2 ay ang 1.9-kilometer expressway na nagkokonekta sa Cavitex Radial Road 1 (R-1) mula Parañaque Toll Plaza hanggang Sucat Interchange.
Malaking tulong sa mga motorista ang toll holiday dahil malaking kabawasan ito sa pang-araw-araw nilang gastusin.
Samantala, nanawagan si Sen. Raffy Tulfo sa Land Transportation Office (LTO) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na alisin ang incentives ng mga traffic enforcers sa perang nakokolekta sa traffic fines and penalties, dahil pinag-uugatan umano ito ng korapsyon at extortion. Batay ito sa kanyang proposed Senate Bill No. 1976 or the Fair Traffic Apprehension Act na nalikha dahil sa dami ng nagrereklamo sa kanyang programang “Isumbong mo kay Tulfo.”
Aniya, napakarami nang nabiktima ng mga abusadong traffic enforcers kaya dapat na silang pigilan.
JAYZL NEBRE