CAVRAA MEET 2020 SA ISABELA IPINAGPALIBAN DAHIL SA NCOV

ISABELA

ISABELA – BAGAMAN nanghihina­yang ang pamahalaang lungsod Cauayan na pinamumunuan ni City Mayor Bernard Faustino La Madrid Dy, ipinagpaliban pa rin ang  lahat mga national at regional events habang nagdesisyon ang DepEd Region 2 na pansamantalang ipagpaliban ang Cagayan Valley Regional Athletics Association  (CAVRAA) Meet na gaganapin sana sa Cauayan City, Isabela sa Pebrero 22-26, 2020.

Ito ay  alinsunod sa DepEd Memorandum 15 series of 2020 na nagpapaliban sa mga national at regional events gaya ng Palarong Pambansa at regional meet dahil sa banta ng coronavirus (n-CoV).

Layunin nito na mailayo sa anumang banta ng nCoV ang mga mag-aaral sa naturang aktibidad at i-eskedyul na lamang sa mga susunod na buwan.

Ayon kay Schools Division Supt. Dr. Alfredo Gumaru ng DepEd Cauayan City, sinabi niya na pinag-aaralan ang pagdaraos ng  CAVRAA Meet 2020 sa ikatlong linggo ng Marso o kapag humupa na ang banta ng nCoV  sa bansa. IRENE GONZALES