CAVS GINULANTANG NG HAWKS

NALASAP ng Eastern Conference leaders Cleveland Cavaliers ang kanilang unang home loss sa season sa hindi inaasahang 135-124 pagkatalo sa Atlanta Hawks noong Miyerkoles.

Ang ikalawang pagkatalo ng Cleveland sa season ay kasunod ng malakas na second-half ng Atlanta sa pangunguna nina De’Andre Hunter na umiskor ng 26 points mula sa bench, Jalen Johnson na may 22 points at Trae Young na nag-ambag ng 20 points at career-high 22 assists.

Kumana si Young ng isang 39-foot three pointer upang ilagay ang talaan sa 129-122, may 1:43 ang nalalabi.

Sinabi ni Johnson na krusyal ang mga assist ni Young sa panalo at nararapat lamang na bigyan siya ng kredito para sa kanyang papel sa koponan.

“He was really getting off the ball and finding everyone…a lot of people don’t necessarily talk about him even though he’s leading the league in assists, but they don’t talk about him as the playmaker,” aniya.

Sa panalo ay umangat ang Hawks sa 8-11 at sinabi ni Young na ipinakita ng koponan ang kaya nitong gawin.

“They are a really good team who have been playing well all year and I feel we have been a little inconsistent but the times that we have played well, we’ve played really well,” dagdag pa niya.

Nagbuhos si Donovan Mitchell ng 30 para sa Cleveland at nagdagdag si Evan Mobley ng 22 points at 13 rebounds, subalit ang Cavs ay nabigong maging unang koponan na nagsimula na may 18-1 record.

Sa iba pang laro, kinailangan ng Houston Rockets ng overtime upang pataubin ang Philadelphia 76ers (3-14), kung saan gumawa si Alperen Sengun ng 22 points at nagdagdag ng 14 rebounds at 7 assists.

Kalahati sa mga puntos ni Sengun ay nagmula sa overtime kung saan siniguro ng Rockets ang pag-angat sa 14-6.

Humataw si James Harden ng 43 points para sa Los Angeles Clippers na dinispatsa ang Washington Wizards, 121-96.

Pinataob ng Miami Heat ang Charlotte Hornets, 98-94, kung saan kumamada si Tyler Herro ng 27 points at nagsalpak si Duncan Robinson ng anim na 3-pointers.