CAVS HINIYA ANG BUCKS

GINIBA ng Cleveland Cavaliers ang newly crowned NBA Cup champions Milwaukee Bucks, 124-101, upang mahila ang kanilang league-best record sa 24-4 nitong Biyernes.

Umiskor si Donovan Mitchell ng 27 points at nagdagdag si Darius Garland ng 16 para sa Cavs, na umabante ng hanggang 36 points at nahirapan ang Bucks sa pagliban ni injured guard Damian Lillard.

Tumapos si Giannis Antetokounmpo, pinangunahan ang Bucks sa panalo sa NBA Cup final kontra Oklahoma City Thunder noong Martes, na may 33 points, 14 rebounds, at 3 steals.

Gumawa si Khris Middleton, nagbalik mula sa karamdaman, ng 14 points mula sa bench para sa Milwaukee, subalit nagtala sina starting guards Andre Jackson Jr at AJ Green ng pinagsamang 0-for-9 mula sa field, at walang naiambag na puntos.

Umangat ang Cavaliers, nagwagi ng pito sa kanilang huling walo, sa 15-1 sa home at nakakuha ng magandang balita sa season debut ni Max Strus — na na-sideline dahil sa hip at ankle injuries.

Umiskor si Strus ng 9 points sa loob ng 19:07 minuto mula sa bench para sa Cleveland at isinalpak ang tatlo sa kanilang 20 three-pointers.

“We did it on both ends of the floor,” sabi ni Mitchell. “We set the tone, offensively, defensively.

Knowing they had a long trip back (we were) trying to get going early, push the pace, and we did it for 48 minutes.”

Sa Philadelphia, nagsuot si 76ers’ star center Joel Embiid ng protective mask sa kanyang pagbabalik makaraang lumiban ng isang laro dahil sa sinus fracture at umiskor ng 34 points sa 108-98 panalo kontra Charlotte Hornets.

Nagdagdag si Embiid ng 5 rebounds, 9 assists, 2 steals at 2 blocked shots.

Kumabig si Tyrese Maxey ng 23 points at nagdagdag si Kelly Oubre Jr. ng 22 para sa Philadelphia, na naitala ang kanilang ika-4 na panalo sa limang laro.

Si Embiid ay lumiban sa maraming laro ng Sixers sa season. Ang 2023 NBA Most Valuable Player ay nasa kanyang ika-7 laro pa lamang matapos na iantala ng kanyang troublesome left knee ang kanyang season debut.

Samantala, nai­poste ng Oklahoma City Thunder, natalo sa Bucks sa Cup final noong Martes, ang kanilang ikalawang panalo magmula noon, dinispatsa ang Heat, 104-97, sa Milwaukee.

Tumabo si Jalen Williams ng 33 points at nagdagdag si Shai Gilgeous-Alexander ng 25 para sa Thunder, na galing sa panalo kontra Orlando Magic noong Huwebes.

Umiskor si Tyler Herro ng 28 points at kumalawit ng 12 rebounds upang pangunahan ang Heat, subalit hinanap ng Miami ang kontribusyon ni star forward Jimmy Butler, na lumisan sa first quarter at hindi na bumalik pa dahil sa karamdaman.