SINIRA ng Chicago Bulls ang pagbabalik ni superstar LeBron James mula sa 13-game injury absence nitong Linggo, pinataob ang Los Angeles Lakers, 118-108, upang higpitan ang kanilang kapit sa huling Eastern Conference play-in spot.
Nakopo naman ng Cleveland Cavaliers ang kanilang unang playoff berth magmula noong 2018 sa 108-91 panalo kontra Houston Rockets.
Napantayan ni Jarret Allen ang kanyang season high na may 24 points, kumalawit ng 14 rebounds at nagtala ng 3 blocked shots habang nagdagdag si All-Star guard Donovan Mitchell ng 22 points para sa Cavs, na nakasisiguro na ng isa sa top six places sa Eastern Conference upang makaiwas sa play-in tournament para sa seventh- hanggang 10th-placed teams.
Ito ang unang pagkakataon magmula noong 1998 na umabot ang Cavaliers sa playoffs na wala si James, na ang 20-year NBA career ay kinabilangan ng dalawang stints sa kanyang hometown team, kung saan nanalo siya ng isa sa kanyang apat na titulo noong 2016.
Sinabi ni James na ang tsansa na lumaban para sa ika-5 titulo sa kabuuan, at ikalawa sa Lakers, ang nagtulak sa kanyang mabilis na pagbabalik mula sa ibinunyag niyang torn tendon sa kanyang kanang paa.
Nanguna si James para sa Lakers na may 19 points sa 27 at kalahating minutong paglalaro. Nagdagdag sina Troy Brown at Malik Beasley ng tig-18 points habang tumipa si Anthony Davis ng 15.
Sa iba pang laro, nagbuhos si Jaylen Brown ng 41 points at humugot ng 13 rebounds upang pangunahan ang Boston Celtics sa 137-93 home rout sa San Antonio Spurs.
Hindi naging problema ang injury absence ni leading scorer Jayson Tatum para sa Celtics, na napanatili ang pressure sa Milwaukee sa karera para sa top seed sa East.
Nagbalik si Ja Morant sa Memphis starting lineup makaraang manggaling sa bench sa kanyang unang dalawang laro mula sa suspension, tumirada ng 27 points upang pangunahan ang Grizzlies sa 123-119 victory kontra Hawks sa Atlanta.
Nagdagdag si Desmond Bane ng 25 points para sa Grizzlies, second sa West, na hinawi ang late challenge ng Atlanta upang hilahin ang kanilang winning streak sa anim na laro.