Na-miss ko ang media appearances ni House Speaker Alan Peter Cayetano nitong mga nakaraang araw, actually bago pa man nagka-lockdown ay mainit na ang usapan ukol sa ABS-CBN ngunit mukhang dinedma lamang niya ang mga paggalaw ni SolGen Calida at Atty. Larry Gadon.
Tunay na marami ang nagalit sa pagkakasara ng ABS-CBN ngunit malinaw na wala sa NTC ang pagkukulang kundi mismong sa Kongreso na siyang nagbibigay at nag-re-renew ng mga prangkisa.
Mukha naman talagang tinulugan ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa pagpapa-renew ng kanilang prangkisa. May alam akong prangkisang inaplayan sa Kongreso, sa sobrang bilis parang hindi nag-hearing e. Pero kabaligtaran ang nangyari sa ABS-CBN.
Heto na nga, medyo Johnny come lately man ay nagsalita na si Speaker Cayetano, kumbaga lumabas na rin mula sa kanyang lungga upang harapin ang galit ng mga Filipino dahil sa nangyaring ABS-CBN shutdown. Pero pikon na rin ang ilang senador at maging ang marami sa kanyang mga kasamahan sa House of Representatives (HOR).
Pero imbes na sagutin nang diretso ang isyu at agad na akuin ang pagkakamali, nag-a-la-Poncio Pilato si Speaker Cayetano, naghugas-kamay siya sa kanyang pagkakasala. Sorry not sorry, ‘ika nga.
Ang buong akala raw ni Cayetano ay mag-iisyu ng provisional authority ang National Telecommunications Commission (NTC) upang makapagpatuloy ng operasyon ang network kahit hindi pa naigagawad ng kanyang pinamumunuang HOR ang prangkisa.
Taliwas ito sa opinyon ni ex-Supreme Court Justice Reynato Puno. “May hatol na d’yan (tungkol sa legislative franchise) noon pa. Alam naman ng mga congressman ‘yan, lalo na si Speaker Cayetano. There is need for a franchise before the NTC can grant a provisional permit. Without a franchise, the station concerned has to cease operations,” anang dating punong mahistrado.
Maraming legal experts din ang nagsasabi na sasalo lang ng sangkaterbang demanda ang NTC kung susundin ng komisyon ang gustong mangyari ng House speaker.
Sabi nila, hindi maaaring panghawakan ng NTC ang isang sulat na pirmado ni Cayetano at ang isang resolusyon ng Senado pagdating sa provisional authority.
Kung noo’y palaging magkakampi sina Cayetano at Solicitor General Jose Calida sa iba’t ibang isyu, ngayo’y nagbabanta ang isang matinding bakbakan sa pagitan ng dalawa matapos sabihan ng una ang huli na epalero sa trabaho sa Kongreso. Si Calida ang nagpayo sa NTC sa mainit na isyu ng provisional authority.
Kung ang tingin ng marami kay Calida ay isang kontrabida, sa pagkakataong ito’y siya naman ang bida. Tungkulin naman talaga ng isang solicitor general na magbigay ng legal opinion sa alinmang government agency tulad ng NTC.
Nagtataka rin tayo kung pasok ba talaga si Cayetano sa inner circle o “Digong’s Kitchen” ni President Rodrigo Duterte. Para kasing hindi niya na-ge-gets ang mga signal o ang kagustuhan ng pangulo pagdating sa mga polisiya at hakbangin ng Palasyo. Kinakausap pa ba siya ni Duterte, gayong malaki ang papel niya sa legislative agenda ng administrasyon?
Comments are closed.