BAGO umalis si Pangulong Duterte patungong Bangkok ay hindi nito pinalagpas ang nangyaring pag-hostage, aniya, sa 2019 national budget ng mga kongresista kaya nabalaho ang ‘Build Build Build’ at ibang programa ng pamahalaan. Kaya sinabi niya na bilisan ang pagtalakay sa national budget sa pagbubukas ng Kongreso ngayong Hulyo 22.
Walang dudang kuhang-kuha ni Cong. Alan Cayetano ang takbo ng utak ng Pangulo kaya noong nakaraang linggo ay nag-sponsor siya ng economic workshop para sa mga kongresista na dinaluhan ng mga kalihim ng DOF at DPWH at matataas na opisyal ng DOTR, BCDA at ng ‘Build Build Build’ Team. Layon nito na maunawaan ng mga mambabatas kung ano ang mga priority program ng administrasyong Duterte.
Naniniwala naman akong walang ibang layunin si Cayetano sa kanyang speakership bid kundi susugan at ipatupad ang mga programang inilatag ng Pangulo. Nakita naman natin ang loyalty nito kay PRRD. At hindi ito magiging mahirap kay Cayetano lalo na sa pakikipag-usap sa Senado dahil naging miyembro siya nito ng siyam na taon.
Kumbaga, alam na alam ni Cayetano kung paano makikipag-usap sa Senado at sa mga kapwa kongresista dahil naging kongresista na rin siya ng tatlong termino. Maging sa mga lider ng buong mundo at sa executive department dahil siya ay umupong DFA secretary at naging miyembro ng gabinete.
Hindi rin matatawaran ang kanyang kakayahan sa local governance dahil naging konsehal at vice mayor siya ng Taguig noon.
Sa isyu naman ng umano’y vote buying sa Kamara, hindi rin nabahiran ang pangalan ni Cayetano dahil ang kanyang mga katunggali ang sinasabing may pakana nito. Patunay lamang ito na tinitindigan niya ang kanyang prinsipyo laban sa katiwalian at korupsiyon.
Eh, kung loyalty lang din naman kay Duterte ang pag-uusapan, walang kaduda-duda kay Cayetano. Mula sa pagkapanalo ni PRRD sa Taguig noong 2016 election at sa pamamayagpag ni Bong Go na trusted aide ni Duterte at iba pang Hugpong senators sa Taguig sa katatapos lamang na election.
At maaasahang hindi nito aatrasan ang pagsuporta sa anti-drug campaign ng Pangulo at sa pagtindig maging sa international courts sa mga kumukuwestiyon sa human rights policy ng Pangulo.
Kaya naman, masasabi kong mabigat ang kuwalipikasyon ni Cayetano, at hinding-hindi malulugi ang bansa kung siya ang magiging Speaker of the House, ‘yan ay kung karanasan, galing, talino at iba pang kuwalipikasyon ang pag-uusapan. Ika nga, nakaungos ang representante ng Taguig.
Comments are closed.