CAYETANO OK SA NACIONALISTA PARA MAGING SPEAKER

MASAlamin

KUNG sino ang may numero sa Kamara ay siyang makasusungkit ng House Speakership. Kaya kung numero rin lang ang pag-uusapan ay mukhang may puro si Cong. Alan Cayetano ng Taguig.

Mismong si Senadora Cynthia Villar na kasi ang nagsabi na suportado ng Nacionalista Party (NP) ang kandidatura ni Caye­tano bilang speaker ng kamara.

Sa isang panayam sa radyo, inihayag ni Villar na susuportahan ng partido ang speakership bid ni Cayetano.

Sinabi ni Villar na ‘assuming all is equal,’ si­yempre ang mga Nacio­nalista will go with Alan Cayetano.

Si Villar ang number 1 senator sa katatapos na May 13 elections at misis ni Manny Villar na presidente ng Nacionalista Party.

Nauna ng sinabi ni Cong. ElRay Villafuerte, isang NP stalwart, na determinado ang NP na tindigan at suportahan si Cayetano lalo na ang prinsipyadong kampanya nito sa speakership race sa likod ng mga alingasngas ng vote-buying sa Kamara.

Sinabi pa ni Villafuerte na hindi matatawaran ang kakayahan at karanasan  ni Cayetano dahil sa mga posisyong hinawakan nito sa larangan ng serbisyo publiko, mula sa pagi­ging konsehal, kongresista, se­nador at pagi­ging mi­yembro ng gabinete.

Bukod pa rito ang siento porsiyentong suporta ni Cayetano sa mga adhikain at programa ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kapakanan ng taumbayan.

Bukod sa NP, nag­pahayag na rin ang National Unity Party (NUP) na si Cayetano ang susuportahan nilang speaker dahil ito ay mapagkakatiwalaan at masasandalan ng mga kongresista.

Hindi pa kasama sa bilang ng mga sumusuporta kay Cayetano ang mga kongresista mula sa ibang par-tido at partylist group na nagpahayag na ng ‘oo’ kay Cayetano bilang speaker ng Kamara.

Comments are closed.