MATAPOS iendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang susunod na lider o Tagapagsalita ng Kamara de Representantes, lumalabas na si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano rin pala ang pinili ng nakararaming Filipino para sa posisyon.
Ayon sa mga survey ng Pulse Asia noong Marso 23-27 at Hunyo 24-30, nakuha ni Cayetano ang nasa kalahati ng mga boto sa kanilang mga poll, malayong-malayo sa iba pang matunog din na pangalan sa pagka-Speaker.
Sa survey noong Marso, 44 porsiyento ang bumoto para sa dating Senador. Kasunod niya sa listahan sina dating Bise Presidente Jejomar Binay, 16 porsiyento; dating Speaker Pantaleon Alvarez, 12 porsiyento; Rep. Martin Romualdez, 5 porsiyento; at Rep. Lord Allan Velasco, 1 porsiyento.
Kung susuriin, si Cayetano ang pinaboran sa lahat ng socio-economic class — 61 porsiyento sa mga kabilang sa Class ABC, 44 porsiyento sa Class D at 34 porsiyento sa Class E.
Pabor din sa kanyang pagiging House Speaker ang mga Filipino kung susuriin ayon sa kasarian, edad at pinag-aralan.
Sa survey nitong Hunyo, lumaki pa ang suporta kay Cayetano sa 65 porsiyento ng mga Filipino. Nasa 52 porsiyento ang lamang niya sa pinakamalapit niyang kalaban, si Alvarez (13 porsiyento). Nakakuha ng 8 porsiyento si Romualdez at 6 porsiyento si Velasco. Ang iba ay nakakuha ng 0.1 percent lamang.
Sa survey na ito, nangunang muli si Cayetano sa lahat ng socio-economic class: 66 porsiyento sa Class ABC, 63 porsiyento sa Class D at 71 porsiyento sa Class E. Nanguna rin siya sa geographical areas: 56 porsiyento sa Metro Manila, 68 porsiyento sa Luzon, 64 porsiyento sa Visayas at 65 porsiyento sa Mindanao.
Ang resulta ng mga survey ay nakabase sa panayam sa 1,200 representative adults edad 18 pataas.
Ang mga ito ay may +-2.8 porsiyentong error margin at 95 porsiyentong confidence level.
Sa larangan ng kakayahan at karanasan, nakaaangat din si Cayetano laban sa iba pang naghahangad maging Speaker.
Ang bagong kinatawan ng Taguig-Pateros na nanalo sa isang landslide victory noong May 13 elections ay may kasanayan sa lokal at pambansang politika.
Siya ay naging konsehal, bise alkalde at three-time congressman. Dalawang beses din siyang naging senador. Dahil dito, kaya niyang maging tulay ng Senado at Kongreso.
Naging miyembro rin ng Gabinete si Cayetano, nangangahulugang kaya niyang pag-ugnayin ang mga lehislatibo at ehekutibong sangay ng gobyerno.
Maaari rin niyang katawanin ang Kongreso at maging ang Filipinas sa pandaigdigang lebel. Siya ay nagsilbing top diplomat ng bansa nang manungkulan siyang Kalihim ng Ugnayang Panlabas.