CAYETANO, WAGING-WAGI SA PULSE ASIA SURVEY

MASAlamin

SUMAMBULAT na parang isang engrandeng fireworks display ang pagtaas ng approval at trust ratings ni Speaker Alan Peter Cayetano sa Pulse Asia Survey na isinagawa nitong December 3 hanggang 8.

Akalain mo, sumi­rit pataas  nang hanggang 16% ang approval rating ng Speaker at 14% naman ang itinalon pataas ng kanyang trust rating. Kahit naitala na ni Alan ang 64% approval rating at 62% trust rating noong Setyembre sa Pulse Asia rin na siyang pinakamataas na nakuha ng isang Speaker of the House sa kasaysayan ng Kongreso, aba’y lalo pa itong lumobo ngayong Pasko. Alam naman natin na hindi gaanong kagandahan ang mga survey ratings ng lider ng Kamara sa nagdaang mga panahon. Pinakamataas na dati ang 40% na ratings.

Si Cayetano ang nakapagtala ng pinakamataas na pagtaas ng approval at trust rating ngayong Disyembre sa lahat ng apat na pinakamataas na opisyal ng bansa kabilang na rito sina Pangulong Duterte   Vice President Leni Rob­redo at Senate President Tito Sotto III. Bumaba rin ng 11% mula sa 29% hanggang 18% ang ‘undecided’ para kay Cayetano.

Batay sa data ng Pulse Asia, parehong 12% ang itinaas ng approval rating ni Sotto at pareho ring 9% ang itinaas ng trust at approval rating ng Pa­ngulo.  Walong porsiyento naman ang itinaas ng approval rating ni VP Leni at 7% ang itinaas ng kanyang trust rating. So, para na ring overall champion si Cayetano.

Kaya naman, todo-todo ang pasasalamat ni Cayetano sa mga kasapi ng Kongreso at mga empleyado nito sa sigasig at determinasyon na matalakay at maipasa ang mga panukalang batas lalo na ang  priority measures ng Duterte administration.

Alam niyo ba  sa tala ng Rules Committee ng Kamara,  umabot sa 900 na panukala ang prinoseso ng mga kongresista mula buwan ng Hu­yo hanggang ngayong Pasko sa ilalim ng pamunuan ni Cayetano. Ayon kay Majority Floor Leader Chairman Martin Romualdez,  ito ay katumbas sa 28 na panukala kada  araw sa loob ng 32 araw na sesyon ng Kamara.  Dalawa na rin ang ganap na naging batas: ang pagtatatag ng Malasakit Centers at ang pagpapaliban sa barangay elections.

Lalagdaan na rin ng Pangulo ang 2020 General Appropriations, ang Sin Taxes at ang Salary Standardization na naglalayong dagdagan ang sahod ng mga mang­gagawa sa gobyerno. Nasa 93 naman ang mga panukala na pinagtibay ng Kamara sa 3rd o final reading. Kabilang na rito ang pagpapababa sa optional retirement ng mga kawani ng pamahalaan mula 60 pababa sa 56 taong gulang.

Waging-wagi ang Speaker of the House. Parang SEA Games lang ang peg. Champion, ‘ika.  nga. Paano ba ‘yan mga kaba­yan, nganga na naman ang mga pumuna at bumatikos kay Cayetano lalo na noong SEA Games.

Comments are closed.