HINDI nababahala si dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa posibilidad na makatunggali niya sa speakership si dating Speaker Pantaleon Alvarez na kinatawan ng 1st Disrict ng Davao del Norte.
Kasunod ito ng pahayag ng partidong PDP-Laban na muling sasabak sa pagka-Speaker ng House of Representatives si Alvarez.
Ayon kay Cayetano, hindi siya natitinag at tuloy ang kanyang pagtakbo bilang kongresista.
Kilala si Cayetano na hindi umuurong sa anumang laban lalo na kung ito ay para sa kapakanan ng mas nakakaraming Filipino.
Ilang beses niyang nilabanan ang katiwalian sa pamahalaan kahit na malalaking politiko pa ang sangkot dito.
Dahil sa husay at katapatan bilang lingkod bayan, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay bilib sa dating DFA Secretary.
Matatandaang noong isang taon, nagbigay na ng basbas si Pangulong Duterte kay Cayetano at sinabi niyang siguradong magi-ging magaling na House Speaker si Cayetano.
Tulad ng pagtatanggol niya sa mga OFW at paglutas ng mga problema sa passport appointments noong DFA Secretary pa siya, naniniwala ang Pangulo na magagawa niya rin ng kasing husay ang trabaho bilang Speaker.
Nagbitiw si Cayetano sa DFA noong Oktubre 2018 dahil gusto ni Pangulong Duterte na tulungan siya ni Cayetano sa Kongreso upang masiguradong maipapasa ang mga importanteng batas na magdudulot ng reporma sa bansa. Matapos ang masinsinang pag-uusap, agad nagpahayag ng suporta ang Pangulo sa kanyang pagbabalik sa Kongreso.
Tulad noong unang itinalaga si Cayetano bilang DFA Secretary, may mahalagang misyon din si Cayetano sa kanyang muling pagtakbo sa Kongreso bilang Kinatawan ng Taguig-Pateros na itinakda ng Pangulo.
Simula pa noong 2015, nanindigan si Cayetano na sa hanggang sa dulo ng termino ng pangulo ay tututok siya sa pagtulong at pagsuporta kay Pangulong Duterte.
Upang mas maging makabuluhan ang kanilang pagpili ng pinuno ng House of Representatives, kailangang suriin ng mabuti ang katangian, pag-uugali at kabuuan ng pagkatao (Character) ng bawat “Speaker Aspirant”, ayon naman kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. PILIPINO Mirror Re-portorial Team
Comments are closed.