CBCP-500 YEARS OF CHRISTIANITY CELEBRATION, IPINAGPALIBAN

CBCP-2

NAGPASYA ang Simbahang Katolika na ipagpaliban muna ang quincentennial celebration o makasaysayang pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa Filipinas, gayundin ang iba pa nilang aktibidad, bunsod na rin ito nang nagpapatuloy pang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dapat sana’y magtatapos ang naturang mahalagang aktibidad sa Abril 2021, ngunit sa halip, ang naturang petsa ay magiging launching pa lamang ng pagdiriwang.

Magtatagal ang selebrasyon ng isang taon at nakatakdang magtapos sa Abril 2022.

Ipinaliwanag ni acting CBCP President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na nagdesisyon silang ipagpaliban muna ang pagdiriwang ng makasaysayang okasyon dahil na rin sa nararanasang krisis pangkalusugan, hindi lamang sa bansa, kundi maging sa buong mundo.

“Due to the crisis caused by the Covid-19 pandemic, it was necessary to change the schedule of our celebration of the 500 years of Christianity,” ayon kay David. “So it is now going to be a whole year celebration until 2022.”

Napagkasunduan aniya ng mga Obispo na ang kick-off celebration ay isagawa sa Abril 17, Easter Sunday, upang gunitain ang Unang Easter Sunday Mass sa bansa.

Una nang kinumpirma ng National Historical Commission of the Philippines na ang makasaysayang Misa ay idinaos sa Limasawa Island sa Southern Leyte noong Marso 31, 1521.

Nabatid na noong Setyembre 12 ay sinimulan na ng Diocese of Maasin ang kanilang 200-day countdown sa ika-500 anibersaryo ng 1521 Eucharistic celebration sa kanilang isla.

Gugunitain ng simbahan ang First Baptism o Unang Pagbibinyag sa Abril 14, 2021, isang okasyon na pangungunahan ng Archdiocese of Cebu.

Samantala, maging ang International Mission Congress (IMC) at ang 2nd National Mission Congress, na nakatakda sana sa Abril 2021, ay ipinagpaliban din sa Abril 2022.

Kinansela naman ang National Retreat for the Clergy na nakatakda sanang idaos sa Agosto 4 hanggang 6, 2021.

Sa halip umanong isang retreat, nagdesisyon ang Commission on the Clergy na magsagawa na lamang ng mga serye ng komperensiya hinggil sa kasaysayan ng simbahan sa Pilipinas.

Ayon pa kay David, bukod dito, ang bawat komisyon ng CBCP ay magkakaroon rin ng adjustment sa kanilang mga plano dahil sa krisis na kinakaharap ng bansa sa ngayon. Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.