CBCP OFFICIAL DUMEPENSA SA ISYU KAY SANCHEZ

Jerome Secillano

DUMEPENSA ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) hinggil sa umano’y kawalan ng pahayag ng Simbahang Katolika sa isyu kaugnay ng maagang pagpapalaya sa convicted murderer at rapist na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng CBCP, hindi naman kinakailangan ang opinyon ng simbahan sa naturang isyu dahil ito’y usaping legal at hindi rin naman hiningi ng media ang kanilang reaksiyon hinggil dito.

Nilinaw naman ni Secillano na kung ang pag-uusapan ay ang krimeng nagawa ni Sanchez, na kinabibilangan ng pangre-rape at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pag-torture at pagpatay kay Allan Gomez, ay malinaw ang paninindigan ng Simbahang Katolika na dapat pagbayaran ito ng dating alkalde.

Ginawa ni Secillano ang pahayag matapos na punahin ni dating Pasig City Regional Trial Court (RTC) Judge Harriet Demetriou ang pananahimik ng Simbahan sa early release kay Sanchez.

Naniniwala si Deme­triou na malaki ang impluwensiya ni Sanchez sa matataas na miyembro ng Simbahan, at inihalimbawa nang makipagkita pa sa kanya si yumaong Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin noong kasagsagan ng paglilitis sa kaso, at ibinigay sa kanya ang liham ni Lucena Bishop Pedro Bantigue, na nagsasabing inosente ang alkalde.

“Sabi ko: Bakit nasasabi niya na si Sanchez ay napakabuting tao, dahil ba sa cash donations ni Sanchez sa diocese nila?” anang hukom, na nagbaba ng hatol na pitong ulit na habambuhay na pagkabilanggo kay Sanchez at anim pa niyang tauhan.

Tinawag naman ni Secillano na ‘unfair’ ang naturang alegasyon laban sa kanila.

“Medyo unfair naman na sabihin na nananahimik ang Simbahan dahil sa donasyon,” aniya, sa isang panayam sa telebisyon.

“Dapat i-determina rin natin, tinatanong ba ng media ‘yung Simbahan? ‘Yung opinion ba ng Simbahan, hinihingi nila?” paliwanag pa niya.

Aniya pa, “Ang usa­pin dito ay tumututok sa legalidad. So maaaring ang opinion ng Simbahan ay hindi kinakailangan doon.  Pero kung ang pagbabasehan natin, ha­limbawa ‘yung krimen na ginawa ng dating mayor ng Calauan, Laguna at diumano ang kawalan niya ng pagsisisi sa kanyang ginawa, aba’y napakalinaw naman ng pani­nindigan ng Simbahan na dapat pagbayaran ito.”

Tumanggi naman ang pari na kumpirmahin kung may mga obispo na sumuporta kay Sanchez noon dahil taong 1993 pa aniya nang maganap ito. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.