CBCP OFFICIAL NAGPAALALA SA MGA OFW

Father Restituto Ogsimer

NAGPAALALA  sa  overseas Filipino workers (OFWs) ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na panatilihin ang maayos na kalusugan at huwag abusuhin ang sarili sa pagtatrabaho sa ibayong dagat.

Ang paalala ay ginawa ni Father Restituto Ogsimer, Executive Secretary ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peo-ple (ECMIP), ng CBCP, matapos na limang Pinoy ang naitala nilang pumanaw sa loob lamang ng dalawang linggong paglilibot nila sa Filipino communities sa Kuwait.

Ayon kay Ogsimer, kalimitang sanhi ng pagkamatay ng mga OFW ay stroke at brain aneurism.

Ikinabahala ng Pari na isa sa mga pumanaw ay 27 taong gulang pa lamang habang ang iba ay nasa 40 hanggang 50 taong gulang naman.

Iginiit ng pari na mahalagang laging matiyak na malusog ang pangangatawan ng mga OFW dahil iba ang kultura ng mga trabaho sa ibang bansa.

“Yung kalusugan is really a primary requirement, good health status ay napakahalaga and isipin po ninyo na pagsampa ninyo sa ibang bansa, ang vulnerability is higher napakataas kasi hindi natin masisigurado kung ano ang working conditions, dynamics ng papasukan nating trabaho,” dagdag ni Ogsimer sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Pinayuhan din ng Pari ang mga OFW na mag-research at tiyakin din na maayos ang kanilang magiging employer bago makipag-sapalaran sa ibayong dagat.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), may 11 milyong OFW ang nasa iba’t ibang bahagi ng mundo, habang ayon naman sa United Nations, umabot na sa 6,000 Filipino ang umaalis sa bansa kada araw upang magtrabaho sa ibayong dagat. ANA ROSARIO  HERNANDEZ

Comments are closed.