CBCP SA KADAMAY:  WALANG LIBRENG PABAHAY

Rev Father Anton Pascual

NANINIWALA ang isang paring Katoliko na bagama’t tungkulin ng pamahalaan na magkaloob ng pabahay sa mga mahihirap na walang tirahan ay hindi maaaring ibigay lamang ito sa kanila sa pamamagitan ng dole out o walang kapalit na kabayaran.

Ito ang reaksiyon ni Rev. Father Anton Pascual, executive director ng Caritas Manila at pa­ngulo ng church-run Radyo Veritas, hinggil sa usa­ping pang-aagaw ng bahay ng mga kasapi ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.

“The kadamay group has the right for socialized housing. It’s the responsibility of the government to provide such,” ani Pascual.

Nilinaw naman ng pari na bagamat karapatan ng grupo ang magkaroon ng socialized housing, ay hindi tamang libre lamang ito.

Naniniwala rin si Pascual na may kakayahan namang magbayad ang mga mahihirap sa abot-kayang halagang pabahay lamang at iginiit na walang dignidad sa dole­out o pagbibigay nang walang kapalit.

“We don’t believe in dole out. There’s no dignity there,” aniya pa.  “The poor has the capacity to pay. Just make it affordable and long term socialized housing. No one is so poor that he cannot pay.”

Nabatid na sa pagi­ging executive director ni Pascual sa Caritas Manila, naglunsad ito ng mga programang makatutulong sa mga mahihirap na magkaroon ng hanapbuhay at magkaroon ng sariling kita.

Kabilang dito ang Caritas Margins na nagbibigay ng libreng skills training sa mga mahihirap na komunidad at sektor sa lipunan na layong hubugin upang maging social entrepreneurs.

Ang mga produktong gawa ng mga sumailalim sa pagsasanay ng Caritas Margins ay ibinebenta sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Caritas Margins Expo kung saan hinihikayat ang mamamayan na bumili ng kanilang produkto upang makatulong sa mga mahihirap na kumita.

Bukod naman sa Caritas Margins ay itinatag ng Caritas Manila ang Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) na layong tulu­ngan ang mga estudyante na walang kakayahang mag-aral na makapagtapos sa pag-aaral at magi­ging mga servant leader na handang tumulong sa iba pang nangangailangan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.