CBCP TUTOL SA PAGPAPABABA SA EDAD NG KAKASUHAN

CBCP

NAGPAHAYAG ng pagtutol ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) official hinggil sa panukala ni Senate President Vicente Sotto III na pagpapababa sa edad ng criminal responsibility ng mga kabataan.

Ayon kay Rodolfo Diamante, executive secretary ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ng CBCP, sa halip na ipatupad ang naturang panukala ay pag­husayin na lamang ang implementasyon ng Juvenile Justice and Welfare Act.

Binigyang-diin niya na ang mga bata ay biktima lamang din na dapat na protektahan at hindi dapat na parusahan.

Nauna rito, naghain ng panukala si Sotto na ibaba sa 13-anyos, ang edad sa criminal responsibility ng mga bata dahil na rin sa pabata nang pabata ang mga gumagawa ng krimen sa bansa.

Ginagamit din ng mga kriminal ang mga bata sa kanilang ilegal na aktibidad dahil hindi maaaring parusahan ang mga ito, sa ilalim ng kasalukuyang batas.

“The children are victims and must not be punished. In fact they should be protected by going after the alleged syndicate,” ayon naman kay Diamante.

“The Senate under his leadership should instead focus in addressing the more serious problems of the country,” aniya pa.  “The CBCP-ECPPC believes that the lawmakers should pass measures that will instead improve the situations of children.”     ANA ROSARIO HERNANDEZ