WELCOME sa Philippine National Police (PNP) ang panukala ni Senador Raffy Tulfo na magkaroon ng closed circuit television (CCTV) sa bawat piitan sa loob ng mga police station.
Ang panukala ay bunsod ng mga ulat na dumarami ang nang-aabusong pulis sa mga preso.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, maganda ang panukalang CCTV ng senador at marami itong mapaggagamitan, hindi lang para sa mga pulis na nang-aabuso kundi proteksyon at seguridad din ng bawat panig.
“Maganda ‘yung panukala and the PNP naman is welcome doon sa mga panukala na ito na malagyan din ng mga CCTV ‘yung ating mga police stations hindi lamang bantayan yung mga kilos ng ating mga pulis kungdi that is also an added security doon sa ating mga installations para in case of any incident ay nakarecord doon,” ani Fajardo.
Gayunpaman, inamin ni Fajardo na pag-aaralan muna ng PNP ang panukala at sakaling ipatupad ito ay isasama sa procurement program para mapopondohan na kukunin sa annual annual General Appropriations Act.
“So magandang panukala ‘yan and ang pamunuan ng PNP ay pag-aaralan ‘yan para maisama doon sa ating mga procurement program at mailagay at maisama doon sa ating annual GAA,” dagdag pa ni Fajardo.
Samantala, hindi naman itinanggi ng PNP spokesperson na may mga abusadong pulis subalit iginiit na mangilan-ngilan lamang ang mga ito.
Aniya, hindi kinukunsinti ang mga ito at napaparusahan kapag napatunayang nagkasala. EUNICE CELARIO